Partial operation ng mga bus at tren, pinag-aaralan ng DOTr

  • Partial operation ng mga bus at tren, pinag-aaralan ng DOTr
  • Nagsumite ang DOTr ng proposal sa IATF hinggil sa planong partial operation ng mass public transportation
  • Kung sakaling maaprubahan ay lilimitahan pa rin ang maaaring sumakay upang mapanatili ang physical distancing sa pagitan ng mga pasahero

Pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad na payagan ang partial operation ng mass public transportation kahit patuloy pa ring umiiral ang banta ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Imahe mula sa DOTr

Sinabi ni DOTr Secretary Art Tugade sa Laging Handa press briefing noong Miyerkules, ika-22 ng Abril,  na maaaring payagan ang operasyon ng mga bus at tren sa ilalim ng istriktong regulasyon. Aniya, nagsumite na ang ahensya ng proposal sa Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa planong partial operation ng mass public transportation.

Kung sakaling maaprubahan ay lilimitahan pa rin ang maaaring sumakay upang mapanatili ang social distancing sa pagitan ng mga pasahero.

“Kung papayagan po ng IATF, magpa-partial operability tayo pero ‘yung operational capacity will be abbreviated at mababawasan upang ma-maintain ang mga patakaran ng Department of Health sa social distancing,” anang kalihim.

Wika ni Sec. Tugade, kung papayagan, hanggang 30 percent lang ng capacity mga bus at train lines kabilang ang Metro Manila Rail Transit, Light Rail Transit at Philippine National Railways bilang precautionary measure laban sa paglaganap ng COVID-19.

Imahe mula sa SMNI

Maaari ring magpatupad ng iba pang mga patakaran tulad ng thermal scanning sa mga pasahero at pagbabawal sa mga pasaherong walang suot na face mask.

“’Pag in-approve ng IATF…maintaining social distancing; no mask, no ride; hand-washing; thermal scanning kailangan ginagawa rin ito. Social distancing hindi lang pgsakay ng sasakyan, pati pag-antay sa pila para sa sasakyan,” ani Tugade.

Imahe mula sa Abante TNT

Bukod sa mga bus at tren, pinag-aaralan na rin ng DOTr ang posibilidad na makapagpatuloy ang operasyon ng inter-island ferry.

Ang operasyon ng mass public transportation ay sinuspinde sa buong Luzon kasabay ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine na nagsimula noong ika-17 ng Marso at matatapos sa ika-30 ng Abril.

Imahe mula sa Department of Tourism

Loading…