Pasyenteng nasa emergency, dapat gamutin nang hindi humihingi ng deposito, ayon sa DOH

  • DOH nagpaalala sa mga ospital na magbigay ng serbisyong medikal sa mga nasa emergency o seryosong kalagayan nang hindi humihingi ng deposito
  • Maaaring mapanagot sa ilalim ng RA 10932 ang mga hind susunod
  • Naungkat ang usaping ito dahil sa mga kuwentong kagaya kay Catherine Bulatao

Pinaalalahan ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) nitong Lunes ang mga ospital sa bansa na obligado silang magbigay ng serbisyong medikal sa mga pasyenteng nasa emerhensya o seryosong kalagayan nang hindi humihingi ng anumang deposito.

Screenshot mula sa video ng PTV

Nasasaad sa Republic Act No. 10932 o mas kilala bilang “Anti-Hospital Deposit Law” na hindi makatarungan para sa mga ospital at klinika ang manghingi o tumanggap ng anumang advance payment bago gamutin ang pasyenteng nangangailangan ng agarang tulong.

Ayon sa PCOO website, sinumang opisyal, medical practitioner o empleyado ng ospital o klinika na hindi susunod dito ay maaaring makulong ng hanggang dalawang taon at apat na buwan at/o P300-libo. Samantala, anim na taon at/o multang aabot sa P1-milyon naman para sa mga direktor o opisyales na responsable sa paggawa ng balangkas na hindi naaayon sa batas.

Maaari ring magresulta sa pagkansela sa lisensya ng pasilidad mula DOH ang kahaharapin kapag naulit ang pagkakamali ng tatlong beses.

Sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay sa GMA News, “Ang mga pampublikong ospital ay hindi dapat humihingi ng deposito.”

Ayon sa kanya, ang mga pribadong ospital naman ay kailangang magbigay ng emergency treatment bago i-refer sa pampublikong ospital kung kailangan.

Nasabi rin ng opisyal na maaaring ipagbigay-alam sa kanila ang mga pangyayaring ganito sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang telepono bilang 02-894-1555.

Naungkat ang usapin tungkol dito dahil sa mga kuwento kagaya nang kay Catherine Bulatao.

Naunang ibinahagi ng GMA News na naging matagumpay ang panganganak ng ginang subalit kinakailangang dumaan sa isang medical procedure dahil sa komplikasyon.

Nagpalipat-lipat sila ng ospital pero walang may gustong tumanggap sa kanya dahil sa maraming kadahilanan, kabilang na dito ang Far Easter University Hospital na humingi ng P30,000.00 deposito pero P5,000.00 lamang ang kanyang pera.

Dahil sa paglipat-lipat, tuluyan na itong nawalan ng buhay.

Sabi ni Sen. Risa Hontiveros na awtor ng RA 10932, sa pagbabahagi ng Journal, “Mas mahalaga ang buhay ng tao kesa sa kita ng iilan, lalo na ngayong panahon ng matinding krisis.”

Image by Riza Hontiveros via Facebook

Dagdag ng Senadora na hindi katanggap-tanggap ang pangyayari at isa umano itong paglabag sa batas.

Hinikayat niya ang DOH na magsagawa ng imbestigasyon at panagutin ang mga nagkasala.

Imahe mula sa DOH

Loading…