Pinaalis sa inuupahan, mag-anak sa traysikel naninirahan

  • Mag-anak na walang pambayad sa upa, sa traysikel muna nakatira
  • Natigil ang pasada ni Mang Joel kaya’t nag-iipon siya ng karton para maibenta
  • Hindi niya kayang manlimos at mas gusto ang magtrabaho para may maipambili ng pagkain

Gaano nga ba kahirap ang kalagayan ng mga kababayan natin ngayon lalo na sa mga natigil ang trabaho dahil sa ipinapatupad na enhanced community quarantine? Marami na ang piniling mamalimos, at mayroon ding umalis na sa tinitirhang bahay.

Image by GMA News via Facebook

Nakalulungkot makita ang mga karanasang ito ng ating mga kababayan. Kagaya na lamang ng kuwento ni Mang Joel, na ibinahagi ng GMA News sa pamamagitan ni Bernadette Reyes nitong Miyerkules.

Dahil sa walang pambayad ng upa, pansamantala munang nakatira ang mag-anak sa kanilang traysikel.

Makikita sa mga larawan na dito na rin sila natutulog at iniimbak ang pagkain. Sa likod naman ng sasakyan sila nagluluto. Ang pamilya ay nasa Divisoria sa Maynila.

Nabanggit din na hindi kaya ni Mang Joel ang manlimos kaya’t nag-iipon siya ng mga karton na siyang ibinebenta sa junk shop para may maibibili ng pagkain.

Sabi ng drayber, “Hindi ko kayang mamalimos. Kung anong kaya ko ‘yun ang gagawin ko para po kahit paano may makuhang pangkain araw-araw.”

Marami namang mamamayan ang nahabag sa kalagayan ng pamilya at sina Mang Joel daw ang isa sa mga karapat-dapat na tulungan ng mga may mabubuting loob at maging ng pamahalaan.

Habang ipino-post ito, nakakuha na ng higit 43,000 reaksyon at nasa 1,900 pagbabahagi ang update ng GMA News.

Komento ng isang netizen, “‘Yung ganito ang dapat na tinutulungan ng gobyerno. Dapat hindi pinalayas ng landlord. Sana tutukan ito ng mga nakaupo at kasuhan ang may-ari ng bahay.”

Image by GMA News via Facebook

Dagdag pang komento, “Paano po ba makakapagbigay sa may mga ganitong sitwasyon? I really want to help po. Kaso hindi ko alam paano ako makakatulong. Makashare man lang ng munting blessings ni Lord sa iba.”

Sana ay makarating sa mas maraming mamamayan at makuha ang pansin ng mga may-kayang mabubuti ang loob ng kuwentong ito.

Image by GMA News via Facebook
Source :

Facebook

Loading…