Pinagpapaliwanag ng DILG ang 29 punong barangay na hindi nagpapatupad ng ECQ guidelines

  • Dalawampu’t siyam na barangay captain ang pinagpapaliwanag ng DILG
  • Hindi maayos na ipinatututpad ng mga nasabing punong barangay ang mga quarantine guidelines
  • Binigyan ng 48 oras ang mga barangay chairman na magbigay ng sinumpaang paliwanag

Dalawampu’t siyam na kapitan ng barangay ang pinagpapaliwanag ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil hindi nila ipinatutupad nang maayos ang enhanced community quarantine sa kani-kanilang komunidad sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Imahe mula sa Manila PIO

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na nag-isyu ng show cause order ang ahensya upang pagpaliwanagin ang mga punong barangay kasunod ng mga sumbong na natanggap mula sa mga concerned citizens na nagsabing hindi ipinatutupad ang social distancing, hinahayaan ang mga pagtitipon at maluwag na pagpapatupad ng curfew sa kanilang mga barangay.

Dumating na tayo sa ganitong punto sapagkat hindi maayos na binabantayan ng ilang punong barangay ang kanilang nasasakupan. Hindi puwedeng maging kampante sa COVID-19 lalo’t ‘di pa alam ang lunas nito. Marami na ang nasawi kabilang na ang ilang doktor at health workers,” saad ni Sec. Año.

“Maging sino man ay gusto nang makabalik sa normal na pamumuhay. Para magawa ito ay kailangan maging disiplinado ang bawat isa, bawat pamilya, bawat lokal na pamahalaan mula sa barangay para maayos na maipatupad ang ECQ nang hindi kumalat ang virus,” dagdag pa ng  kalihim.

Imahe mula sa Manila PIO

Ayon kay Sec. Año, pinangungunahan ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño ang pag-iisyu ng show cause order sa mga barangay captain na kailangang magbigay ng sinumpaang paliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng administrative cases.

Binigyan ng DILG ang mga punong barangay ng hanggang 48 oras simula sa pagtanggap ng show cause order para magpaliwanag.

Ang mga hinihingan ng paliwanag ay ang mga kapitan ng Barangay 11, 12, 20, 154, 220, 350, at 212 sa Maynila; Barangay Bagong Silangan, 178, 12, 176, 37, at 129 sa Caloocan; Barangay Pasong Putik, Pasong Tamo, San Bartolome, Batasan Hills, Payatas, Fairview, Novaliches Proper at San Antonio sa Quezon City.

Kasama rin ang Barangay Don Bosco, Moonwalk, at Marcela Green sa Parañaque; Barangay Pio Del Pilar at Bangkal sa Makati; Barangay Almanza 2 sa Las Piñas; Barangay Tonsuya sa Malabon; at Barangay Alabang sa Muntinlupa.

Imahe mula sa DILG
Source :

DILG

Loading…