Pinay nurse sa Denmark, balik sa pagliligtas ng mga pasyente matapos gumaling sa COVID-19

  • Unang Pinay nurse sa Denmark na tinamaan ng COVID-19, nakarekober na
  • Matapos ang 14-day home quarantine ay muling nakabalik sa pagseserbisyo sa ospital ang Pinay nurse na si Katherine Perez Luckmann
  • Prayoridad niya ngayon ang mga pasyenteng nagangailangan ng kaniyang serbisyo

Nakabalik na sa pagseserbisyo sa mga pasyente sa ospital na pinapasukan sa Denmark ang 32-anyos na Pinay nurse na si Katherine Perez Luckmann matapos makarekober sa coronavirus disease.

Imahe mula sa Facebook account ni Katherine Perez Luckmann

Siya ang kauna-unahang Filipina nurse na nahawahan ng COVID-19 sa Denmark. Halos lahat ng kasama niya sa Herlev Hospital – Infectious Diseases Unit ay nahawahan din kaya kinailangang isara muna ang unit nila.

Matapos ang 14-day quarantine ay muli ngang nagbalik ang Pinay nurse upang tumulong sa pagbibigay ng kalinga ng mga pasyente sa pagamutang pinapasukan.

“Ngayon ang priority ko talaga kasi is makatulong especially sa mga patients kasi madami talagang in need ngayon. Inisip ko din na kailangan ko tulungan ‘yung mga colleague ko, mostly ‘yung mga nurses naming puro may sakit,” ani Luckmann.

Isiniwalat niya sa panayam sa kanya ng TFC News ang hirap na pinagdaanan habang nakikipagbuno sa sakit na dumapo sa kanya. Aniya, maging ang asawa niya ay nahawa sa kanya.

Kwento niya, tatlo hanggang apat na araw siyang bedridden, nilalagnat at kinakapos ang paghinga. Hirap siyang makatayo kaya kailangan pa siyang buhatin ng asawa na hindi naglaon ay nahawa rin sa kanya.

Imahe mula sa Facebook account ni Katherine Perez Luckmann

“Binubuhat pa ‘ko ng asawa ko para makaupo kasi hindi ko talaga kaya. Umiiyak talaga ako sa sakit. Yun nga lang, after a few days, nahawa na din siya sa akin. Mas naawa ako sa kanya and natakot kasi may hika din siya,” aniya.

Hindi naman nila kinailangang magpa-ospital dahil manageable naman daw ang kundisyon nilang mag-asawa kumpara sa ibang pasyente. Nanatili lang sila sa bahay hanggang makarekober.

Pinasalamatan niya ang mga kamag-anak na tumulong sa kanila habang nasa ilalim sila ng home quarantine.

Source :

Facebook, ABS-CBN

Loading…