PNR train hindi pinadaan ng barangay sa Calamba na nagpapatupad ng lockdown

  • PNR train hinarang ng mga barangay officials sa Calamba City dahil wala umano itong travel pass
  • Naglagay ng checkpoint ang barangay sa ibabaw mismo ng riles ng tren na pag-aari ng PNR
  • Ikinalungkot ng DOTr at PNR ang pangyayari
  • Planong sampahan ng kaso ang mga barangay officilas na humarang sa tren

Isang tren ng Philippine National Railways (PNR) ang hinarang at hindi pinayagang makadaan sa isang barangay sa Calamba City sa Laguna noong Linggo, ika-12 ng Abril, dahil umano sa ipinatutupad nilang total lockdown sa kanilang lugar.

Screenshot mula sa video ni Roel Santos via Facebook

Ayon sa nag-upload ng video na si Roel Santos, nagkaroon ng pagtatalo ang ilang tauhan ng PNR at ilang nagbabantay sa barangay checkpoint na itinayo sa ibabaw mismo ng riles ng tren.

Batay sa maririnig na pagtatalo ng dalawang panig, sinasabi ng mga residente ng Barangay Halang na walang travel pass ang PNR train kaya’t hindi ito maaaring palampasin sa kanilang checkpoint. Dapat umanong nag-abiso muna ang PNR bago ito dumaan sa barangay dahil naka-total lockdown sila sanhi ng COVID-19 pandemic.

“Nag-operate po ng walang travel pass at walang abiso eh total lockdown po dito,” ayon sa uploader ng video.

Lulan ng naturang tren ang ilang PNR personnel na nagsasagawa ng maintenance at inspection sa riles, ayon sa tagapagsalita ng PNR na si Joseline Geronimo.

Ikinalungkot ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) at PNR ang insidente.

Sabi ni PNR General Manager Jun Magno, nakalulungkot na hindi alam ng mga barangay officials at mga taong nangharang sa tren na ang DOTr Rail Sector, kung saan kabilang ang PNR, ay itinuturing na frontliner sa pakikibaka laban sa COVID-19.

Screenshot mula sa video ni Roel Santos via Facebook

“The PNR under law, is a reserve transport battalion of the Armed Forces of the Philippines attached to the Philippine Army since 1941. It may be called upon to render service during times of calamities and emergency such as the present COVID-19 health crisis,” bahagi ng press statement ng DOTr at PNR.

Dahil inantala ng barangay ang corporate operation ng isang government frontline agency, plano ng DOTr at PNR na sampahan ng kasong sibil ang mga barangay officials na humarang sa tren. Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Interior and Local Government upang sampahan ng administrative case ang mga barangay officials.

Screenshot ng Press statement ng DOTr-PNR

 

Source :

Facebook

Loading…