Pokwang bumuwelta sa mga impostor na kumikita sa Facebook gamit ang identidad ng mga artista

  • Maraming artista ang maaari nating i-follow sa Facebook ngunit hindi lahat ng accounts o pages na nakapangalan sa kanila ay totoo
  • Maraming artista ang biktima ng identity theft sa social media kung saan ginagamit ng mga kawatan ang kanilang mga larawan para pagkakitaan
  • Isa sa mga biktima nito ay ang komedyanteng si Pokwang na nanawagan na rin sa mga kapuwa niya artista na magsama-sama sa pagsasampa ng kaso

Hindi lamang mga pekeng balita ang laganap sa social media kundi pati na rin ang mga pekeng accounts. Ang masaklap pa nito, modus din ang paggamit ng mga nakaw na impormasyon ng mga celebrities na pinagkakakitaan ng mga kawatan.

Imahe mula sa Pixabay

Isa sa mga biktima ng ganitong modus ay ang komedyanteng si Pokwang o Marietta Subong sa tunay na buhay.

Marami na ring ipinaskil si Pokwang sa kaniyang Instagram account (@itspokwang27) kung saan hinihikayat niya ang kaniyang mga followers na i-report ang mga fake accounts na iyon.

“Alert! Hindi po ako ito. Paki-report n’yo lang po kasi pinagkakaperahan niya ang pamilya ko. Grabe siya! Nananawagan po ako sa lahat ng nagfollow sa Pokwang Facebook page, paki-unfollow at paki-report kasi hindi po ako ‘yan. Impostor!” ayon sa isang Instagram post ng komedyante.

Tinutukoy niya rito ang isang pekeng Facebook page na may mahigit sa 500k followers.

Gumawa na rin ng video si Pokwang kung saan nananawagan siya sa mga kapuwa niya artista na sila ay magsama-sama na magsampa ng kaso laban sa mga gumagawa ng mga pekeng Facebook accounts gamit ang kani-kanilang larawan para pagkakitaan.

Ang mga nasa likod ng pekeng accounts ay nagagawa pang makapanghuthot ng pera sa kanilang mga followers.

Sa isang video, may mensaheng ibinigay si Pokwang para sa mga kawatan.

“Kayo na gumagawa ng ganito, tandaan ninyo lahat ng panglalamang ninyo sa kapuwa. Lahat iyan ay may malaking balik sa inyo at sa buong pamilya ninyo na pinapakain ninyo ng nakaw,” buwelta ni Pokwang.

Imahe mula sa PokLee Food Products Facebook page

Nilinaw naman ni Pokwang sa hiwalay na Instagram post na ang mga legit Facebook accounts ng kaniyang pamilya ay ang PokLee Food Products, PokLee Cooking, at Malia O’Brian, at Lee O’Brian. Ang legit Facebook account naman ni Pokwang ay ang Marietta Subong (na hindi raw taga-Davao).

Samantala, ang mga ganitong modus sa social media ay maaaring makasuhan ng identity theft sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Loading…