Portable hand washing stations, nilikha ng mga local artists ng San Jose Del Monte, Bulacan

  • May portable hand washing stations sa San Jose Del Monte, Bulacan
  • Likha ito ng mga local artists ng lungsod, sa tulong ng City Tourism Office
  • Nais nilang hikayatin ang mga San Joseño na palagiang maghugas ng kamay na simpleng paraan upang malabanan ang mapamuksang virus

Inilunsad ng City Tourism Office ng San Jose Del Monte, Bulacan ang isang proyektong magpapatunay na makakatulong ang sining upang masugpo ang paglaganap ng COVID-19 sa pamamagitan ng mga local artists at iba pang mga mapagmalasakit na sponsors.

Ayon sa panayam kay “Roberto Ramirez, Jr.”, Department Head ng City Tourism Office, ginagawa raw ng kanilang lokal na pamahalaan ang lahat upang malabanan ang mapamuksang virus kaya naisipan nilang itampok ang paghuhugas ng kamay sa mga San Joseños, bilang simpleng paraan upang makaiwas dito.

Imahe mula sa Facebook page ng City of San Jose Del Monte, Bulacan

“Our LGU is doing all its effort to fight this crisis focusing on the relief operations. We all know that one way to kill the virus is through hand washing, but it must be frequently kaya naisip namin na dapat accesible ang hand washing stations at dapat eye catchy,” ayon kay Ramirez.

Sa magkakasanib na puwersa ng City Tourism Office at ilang local artists ng SINTA o Sining Tanglawan Performing Group at Sining Biswal San Joseño, nabuo nila ang COVID ART PROJECT na isang portable and environment friendly hand washing stations na nakalagay sa iba’t ibang matataong lugar sa San Jose Del Monte.

Mapapansing gawa sa niresiklong metal drums na pinintahan ng mga naturang local artists ang nasabing portable hand washing stations. Nilangkapan din nila ito ng proper hand washing guides na may recorded voice over, at jingle upang mapukaw ang atensyon ng publiko at maghugas ng kanilang kamay rito.

Upang maisakatuparan ang lahat ng ito, nagpasalamat sila sa kanilang mga sponsors. Nagbigay ng 20 galon ng liquid soap ang SM City San Jose del Monte, libreng tubig naman mula sa Tungkong Mangga Barangay Water Service Cooperative, at iba pang mga pribadong indibidwal para sa cash donations.

“This is our way na maibahagi ang talento ng local artists natin, which is also the city is vying for the title to be UNESCO’s Creative City,” dagdag pa ni Ramirez.

Patunay ito na “Arts isn’t supposed to change the world, but it can contribute on the society!” Arya, San Joseño!

Nais mo bang makita ang mga portable washing stations? Panoorin ang “Ulat Bayan” ng PTV via YouTube channel:

Loading…