Produktibo sa lockdown: Pamilya sa Bulacan gumagawa ng banig ngayong ECQ upang malibang at kumita

  • Hinahangaan ngayon ang isang pamilya sa SJDM, Bulacan na produktibo kahit may lockdown
  • Bilang pampalipas oras, gumagawa ang pamilya ng tradisyonal na higaang banig
  • Nalilibang na, nagkakaroon pa ng pagkakakitaan ang buong pamilya

Inaasahan ng mga pamilya ngayong walang pinagkakakitaan ang tulong mula sa pamahalaan. Ang iba’t ibang programa ng nasyonal man o lokal na pamahalaan man ay malaking ginhawa para sa mga Pilipinong hindi nakapagtatrabaho dahil sa lockdown na ipinatutupad sa Luzon at iba’t ibang bahagi na rin ng bansa.

Ngunit mayroong ilang pamilya na hindi na naghihintay ng ayuda mula sa pamahalaan, at gumagawa ng sariling paraan upang magkaroon ng kita sa mga panahong ito.

Isang halimbawa nito ay ang mga residente ng Barangay Gaya-Gaya, San Jose del Monte, Bulacan na may makabuluhang ginagawa para kumita at malibang na rin.

Larawan mula kay Jaypee Villaluz via Balitang SJDM FB Page

Ibinahagi ng Facebook page na Balitang SJDM ang larawang kuha ni Jaypee Villaluz na abala ang isang pamilya sa paghahabi ng mga pinatuyong dahon upang gawing banig. Ayon sa post, paraan na raw ito ng pamilya upang magasta nang makabuluhan ang kanilang oras dahil nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang Luzon. Malaking tulong na rin daw sa kanilang kita ang mapagbebentahan ng mga banig na natatapos nila.

“Habang nasa quarantine, may isang pamilya sa Toyota Ville Brgy. Gaya-Gaya ang pinagkaabalahang gumawa ng banig upang kanilang maging libangan at dagdag kita,” pahayag ng post ng Balitang SJDM na patuloy na umaani ng maraming reactions at shares.

Marami naman ang nagpaparating ng paghanga sa pamilya. Ayon sa ilang nagkokomento, kung ang ilan daw ay nagrereklamo pa sa ayudang nakukuha nila sa LGU, ang pamilyang ito raw ay huwaran na mayroong paraan sa mga taong nais maging produktibo kahit may ECQ.

“Ito ang mga responsableng mamamayan. Kumikilos at hindi lang naghihintay ng tulong. Salute po! God bless and stay safe,” sabi ng isang netizen.

Larawan mula kay Jaypee Villaluz via Balitang SJDM FB Page

Nagkaroon din ng mga instant na kliyente ang pamilya. Marami kasi ang nagtatanong kung paano nila mabibili ang mga gawang banig ng pamilya. Maliban sa gusto rin nilang makatulong sa mga ito, talaga naman daw kasing masarap matulog sa banig lalo na kung maalinsangan ang panahon.

“Paano po makakabili? Na-miss ko na po kasi matulog sa banig. Masarap mahiga diyan,” sabi ng isang kababayan nilang nais muling magmay-ari ng banig.

Loading…