PUI sa Mandaluyong, ibinahagi ang naranasang diskriminasyon mula sa mga “opisyal” ng kanilang barangay

  • Ibinahagi ng isang “person under investigati0n” o PUI para sa C0VID-19 ang naranasan niyang diskriminasyon mula mismo sa pinaniniwalaang mga tauhan ng kanilang barangay
  • Sa post ni Khalil Barreno, ikinuwento niya na humingi siya ng tulong sa barangay para madala siya sa ospital, gaya ng abiso sa kaniya ng isang doktor mula sa C0VID-19 hotline ng Mandaluyong City
  • Matapos na magpakilala na PUI at sabihin na nahihirapan siyang huminga, tinanggihan umano siyang ihatid sa ospital at pinayuhan siya na umuwi na lamang

Ibinahagi sa social media ng isang nagpakilalang “person under investigation” o PUI para sa C0VID-19 ang naranasan niyang diskriminasyon sa kanilang barangay.

I-click ang imahe upang mabasa ang buong post

Kuwento ng netizen na nagngangalang Khalil Barreno sa Facebook group na Barangay Highway Hills Mandaluyong Residents Group, nakaramdam siya ng hirap sa paghinga noong gabi ng April 10.

Tumawag umano siya sa C0VID-19 hotline ng Mandaluyong City at may nakausap na isang doktor. Nagpakilala rin si Khalil bilang isang PUI simula noon pang March 30 at saka nagtanong kung may ospital siyang maaaring puntahan dahil nahihirapan siyang huminga.

Dahil walang sasakyan, inabisuhan umano si Khalil ng kaniyang nakausap na humingi ng tulong sa kanilang barangay upang maihatid siya sa Mandaluyong City Medical Center. Nang walang ma-contact sa numerong binigay sa kaniya ay nagdesisyon siyang puntahan ng personal ang kanilang barangay hall upang makahingi ng agarang tulong.

“So ayon naglakad na ako papuntang barangay hall. Siyempre nakasuot ako ng gloves at face mask, siyempre umiiwas din ako sa lahat ng tao kasi nga PUI ako,” sabi nito.

Ayon kay Khalil, ilan pang mga nakakadiskriminang pangyayari ang kaniyang naranasan bago pa tuluyang kunin ng mga “opisyal” ang kaniyang mga detalye. Pinauwi na lang umano siya at sinabihan na doon na lang siya susunduin sa kaniyang tinutuluyan.

“Wala akong nagawa kundi umuwi kahit hirap na akong huminga, naglakad ulit ako pauwi,” sabi niya.

“Oo, may posibilidad na may C0VID-19 ako pero hindi sure. Oo, naiintindihan ko sila na nag-iingat lang sila pero sana sa kanila rin magsimula ang malawak na pag-iisip at pang-unawa kasi taga-barangay sila,” dagdag niya.

“Ang sakit pala ng madiscriminate sa oras ng pangangailangan. Mag-isa kong nilalabanan ito. Alam ng pamilya ko na PUI ako pero mag-isa ako dito sa Manila.”

Sa comment section naman ng orihinal na post, sinabi ng netizen na nasundo na siya ng ambulansiya noong araw ding iyon at nadala sa MCMC makalipas ang 15 hanggang 30 minuto mula nang magpunta niya sa barangay.

Imahe mula sa Pixabay

Nagpasalamat naman ito sa mga nag-alala para sa kaniya pati na rin sa mga nagpaabot ng tulong at suporta sa paggaling niya.

Ayon kay Khalil, nais niya lamang ibahagi ang kaniyang karanasan sa kanilang barangay.

Sinabi rin nito sa comment na hindi pa rin siya nakukuhanan ng swab test ngunit kinumpirma niya na ngayon ay mas bumubuti na ang kaniyang kalagayan.

Source :

Facebook

Loading…