Quezon City, naglabas ng tribute video para sa frontliners

Imahe mula sa video ng Quezon City Government via Facebook
  • Naglabas ng video ang Quezon City Government bilang pagpapakita ng suporta sa mga frontliner sa lungsod
  • Nagpasalamat sila sa mga ito dahil sa kanilang pagmamalasakit para sa mga kababayan
  • Hiling din ng lungsod ang patuloy na kooperasyon at pagtutulungan ng mga mamamayan habang kinahaharap ang pandemic

Bilang pagpupugay sa mga frontliners ay inilabas ng Quezon City Government ang “Salamat sa Kabayanihan,” isang tribute video, sa kanilang official Facebook page.

Imahe mula sa video ng Quezon City Government via Facebook

Tampok sa video ang mga health workers, garbage collectors, sundalo, janitors, barangay officials at iba pang mga itinuturing na frontliners sa laban sa COVID-19. Habang ipinakikita ang kanilang kabayanihan ay pinatutugtog naman ang komposisyon ni Vehnee Saturno na “Para sa Bayan.”

Ayon pa sa post ng Quezon City LGU, bagama’t naging mahirap ang mga nakalipas na araw dahil sa COVID-19 ay hindi nawawala ang kuwento ng pagmamalasakit at pagtutulungan ng Pilipino — patunay na likas ang kabutihan sa mga Pinoy.

“Ang QC ay hindi lamang lungsod. Ito ay tahanan ng ating mga pamilya. Kaya nagpapasalamat kami sa lahat ng frontliners na walang sawang naglilingkod para protektahan at alagaan ang ating tahanan,” anila.

Imahe mula sa video ng Quezon City Government via Facebook

“Naghahatid ng pag-asa at inspirasyon ang inyong kabutihan. Kayo po ang bayani sa labang ito.”

Hiling din ng pamahalaang lungsod ang patuloy na pagkakaisa at pagtutulungan ng mga mamamayan habang hinaharap ang pandemiyang ito. “Ang mumunting sakripisyo ng bawat isa ay kaligtasan naman ng ating pamilya,” anila.

Sa video ay itinampok din ang pasasalamat ng mga residente at maging ng mga naka-recover mula sa virus sa mga bayani na tumulong sa kanila.

Ayon sa COVID-19 tracker ng Department of Health ay may 979 na kaso na ng virus sa Quezon City as of 4 p.m. ng April 16.

Nakataas pa rin ang enhanced community quarantine sa buong Luzon upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng virus sa bansa.

Panoorin dito ang video:

 

Source :

Facebook, DOH

Loading…