Ryan Agoncillo binalikan ang larawan sa Jordan River noong 2000; Alden Richards nagbigay naman ng message of hope

  • Bilang pagbibigay ng pag-asa, nagbahagi ang Dabarkads na sina Ryan Agoncillo at Alden Richards ng larawan nila sa mga banal na lugar sa mundo
  • Ibinahagi ni Ryan ang kanyang larawan sa Ilog Jordan na kuha noong 2000
  • Nag-post naman si Alden ng Easter message kasama ang larawan sa Grotto of Nativity sa Jerusalem

Sa panahong mayroong kinahaharap na krisis ang buong mundo, masarap na makabasa at makakita ng mga balita at kuwentong kapupulutan ng inspirasyon. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit trending sa social media ang mga larawan ng Dabarkads na sina Ryan Agoncillo at Alden Richards.

Natapat sa Biyernes Santo ang kaarawan ng mister ni Judy Ann Santos na si Ryan. Kaya naman bilang isang simpleng pagdiriwang ng kanyang espesyal na araw, pinili ni Ryan na ibahagi ang kanyang larawan sa banal na Ilog ng Jordan sa isang Instagram post.

Larawan mula sa Instagram post ni Ryan Agoncillo

Kuha ang larawan noong Enero 2000 kaya naman batang-bata pa si Ryan. Nakababad siya sa ilog at nakaaktong nagdarasal ang mga kamay. Napakaganda ng kuha kaya naman agad na nag-trending ito at nakakuha ng halos 40,000 likes.

Mahalag ang Ilog Jordan o Jordan River sa pananampalataya ng mga naniniwala kay Hesu Kristo dahil dito ginawa ang pagbibinyag sa batang Hesus. Kaya naman inspirasyon sa marami ang post na ito ni Ryan na kailanman ay hindi tayo pababayaan ng Panginoon.

Ibinahagi naman ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards ang kanyang larawang kuha sa Jerusalem. Matatandaang noong 2019 ay nagpunta ang Eat Bulaga Dabarkads sa Holy Land bilang bahagi ng kanilang bakasyon at pagninilay-nilay na rin.

Kalakip ng kanyang larawan sa sinasabing lugar na pinagsilangan kay Hesus na Grotto of Nativity, sinabi ni Alden bilang kanyang Easter message na ang pinakamalaking mensahe raw ng muling pagkabuhay ni Hesus ay ang pag-asa at pagmamahal ng Diyos sa ating lahat sa kabila ng mga pagsub0k.

Larawan mula sa Instagram post ni Alden Richards

“The greatest gift today is HOPE. And with His love, He will calm all our fears. Happy Easter po sa ating lahat,” pahayag ni Alden sa kanyang viral post na mayroon nang higit 66,000 likes habang isinusulat ang balitang ito.

Isa naman sa mga nagkomento sa post na ito ni Alden ay ang batikang Kapamilya journalist na si Bernadette Sembrano-Aguinaldo. Sumasang-ayon daw siya sa mensaheng ipinababatid ni Alden sa kanyang post para sa Easter.

Loading…