Sen. Bong Go sa PACC official na nais paimbestigahan si VP Robredo: “Just quarantine your mouth”

  • “Just quarantine your mouth,” sabi ni Sen. Bong Go sa PACC Commissioner na nais paimbestigahan ang ginagawang pagtulong ni VP Robredo
  • Tila ang motto ng PACC ngayon ay “Lahat ng tutulong, ikukulong,” sabi ni Sen. Ping Lacson
  • Tinanggal na ni Pangulong Duterte ang PACC Commissioner na si Manuelito Luna

“Hindi na nakakatulong, dumagdag pa sa problema.”

Ito ang mensahe ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa opisyal ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na nagsabing dapat imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Vice President Leni Robredo dahil ang ginagawa nitong pagtulong sa mga frontliners ay pakikipagkumpitensya umano sa mga hakbang ng pamahalaan.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Bong Go

“Maging parte sana tayong lahat ng solusyon at hindi dumagdag sa problema. Kaya sa mga opisyal diyan na hindi naman nakakatulong, just quarantine your mouth o umalis ka na lang,” galit na sambit ni Sen. Go patungkol kay PACC Commissioner Manuelito Luna.

Dapat ay welcome lahat ng gustong tumulong, ayon pa sa senador.

Sinabi naman ni Senator Panfilo Lacson na tila ang motto ng PACC ay “Lahat ng tutulong, ikukulong.”

Nilinaw naman ng isa pang PACC Commissioner na si Greco Belgica na ang posisyon ni Luna ay hindi opisyal na posisyon ng anti-corruption commission. Personal na opinyon umano ni Luna ang pahayag laban sa Bise Presidente,

“PACC is not asking anyone to investigate VP Leni Robredo. On the other hand, we are thankful to everyone who are helping the front liners and the needy including the VP. It was a personal opinion and request made by one of the Commissioners of PACC that does not reflect the sentiments of the Commission,” paliwanag ni Belgica.

Imahe mula sa Facebook account ni VP Leni Robredo

Samantala, tinanggal na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Luna sa posisyon nito dahil sa ginawang pahayag laban kay VP Robredo.

“May tao ako na abogado sa PACC, commissioner Manuelito Luna, gusto niya ipaimbestiga si Leni kung bakit nagsolicit, anak ng, kaya noong narinig ko, sabi ko fire him. As of this moment, he is no longer connected with government,” pahayag ng Pangulo.

Nanindigan ang Pangulo na walang maling nagawa si Robredo para imbestigahan ng NBI. Binalaan ng Pangulo na sisisantehin din niya ang mga NBI officials kung itutuloy ang imbestigasyon sa Bise Presidente.

Imahe mula sa Yahoo News

Loading…