Shamcey Supsup sa pagiging grade conscious: “Grades are not everything; knowledge is much more important”

  • May napagtanto ang beauty queen na si Shamcey Supsup sa kanyang mga grado
  • Grade conscious daw talaga siya noon at walang pakialam kung may natutuhan siya, basta mataas ang marka niya
  • Pero ngayon, nalaman daw ni Shamcey na mas mahalaga kung ano ang alam mo kaysa kung ano ang grades mo

Nang maging Miss Universe Philippines noong 2011, maraming pinahanga si Shamcey Supsup dahil sa kanyang ‘beauty and brains.’ Isang architect lang naman si Shamcey at naging topnotcher pa sa licensure exam. Nagtapos din siya ng Magna Cum Laude sa University of the Philippines (UP) – Diliman.

Ngunit ang matagumpay na si Shamcey, nagkaroon pala ng realisasyon tungkol sa kanyang pagiging grade conscious.

Ayon sa isang Facebook post ng dating beauty queen at entrepreneur, inilahad ni Shamcey na noong nag-aaral pa siya, grades lang ang mahalaga sa kanya. Wala raw siyang pakialam kung may natutuhan siya o wala, basta mataas ang mga marka niya.

Larawan mula sa Facebook post ni Shamcey Supsup

“I grew up to be really “grade conscious” or “GC” for short. It didn’t matter if I really learned anything as long as I get the grade, I was fine,” bungad ni Shamcey sa kanyang post.

Ngunit nang makalabas daw si Shamcey sa paaralan at sumabak sa totoong mundo, ang mundo ng mga nagtatrabaho, napagtanto niya raw na ang grades ay dapat na bunga ng iyong mga nalalaman. Sinabi rin niya na mas mahalaga kung ano ang nalalaman mo kaysa sa mga numerong nakasulat sa iyong report card.

“But now, I am more than certain that grades are not everything. Grades should be a byproduct of learning. And what you do with that knowledge is MUCH more important than what is on your report card…,” pagtutuloy ni Shamcey.

Nagbiro pa ang Miss Universe 2011 third-runner up dahil sa nag-iisang dos (2.00) niya sa kanyang transcript of records. Sino raw ba ang prof niya sa subject na History of Architecture at binigyan siya ng ganitong ‘mababang’ marka.

Larawan mula sa Facebook post ni Shamcey Supsup

Agad na nag-viral sa social media ang post na ito ni Shamcey. Habang isinusulat ang kuwentong ito, mayroon nang 5,500 shares, 14,000 reactions, at 800 comments ang post ni Shamcey. Marami ang sumang-ayon sa kanya na hindi dapat maging mundo ng isang estudyante ang kanyang grado na kung minsan daw ay nagiging dahilan upang maging sakim ang isang mag-aaral.

Marami din ang humanga kay Shamcey dahil sa pagiging matapat nito sa kanyang dating GC na sarili. Ngayon, maliban sa pagiging architect at businesswoman, si Shamcey na rin ang national director ng bagong talagang Miss Universe Philippines Organization.

Loading…