Simpleng alaala: Nag-taympers ka rin ba noon para uminom ng ice tubig habang naglalaro sa kalye?

  • Bahagi ng kabataan ng marami ang paglalaro sa labas gaya ng habulan o basketball
  • At kapag pagod na, maraming bata ang umaasa sa ginhawang dulot ng ice tubig
  • Maraming alaala ang mga bata noon tungkol sa murang inumin na ito

Isa sa mga pinakamasayang bahagi ng pagkabata ng marami sa atin ay ang paglalaro sa labas. Karaniwan, kapag nakapag-siesta na at nagawa na ang mga assignment, oras na para sa masayang bonding ng magkakaibigan sa kalye.

Iba-iba ang laro ng mga bata noon. Mayroong takbuhan, mayroong mga klasikong larong Pinoy tulad ng patintero, luksong baka, agawan base, at iba pa na talaga namang nakakapag0d rin. Upang mapawi ang uhaw at makuha muli ang lakas, isang mabisang inumin para sa mga bata noon—ang ice tubig.

Larawan mula sa We Are 90’s Facebook page

Sinasabing ‘kapatid’ ng yelo ang ice tubig. Hindi nga lang ito pinatitigas at pinalalamig lang ang tubig para sa gusto ng pamatid-uhaw sa abot-kayang halaga. Dahil ayaw umuwi noon ng mga bata para uminom ng tubig sa kanilang bahay dahil baka pauwiin na sila nang tuluyan, sa tindahan ang takbo ng mga ito para sa ice tubig.

Piso lang ang presyo nito dati at solb na ang uhaw. Puwede pa nga itong paghati-hatian ng mga magkakaibigan lalo na iyong mga hindi maselan at walang pambili. Panghilamos din ito ng mga batang naiinitan na noon sa kanilang paglalaro, lalo na kapag summer.

“Taympers” ang karaniwang sigaw ng mga bata noon kapag iinom. Colloquial na termino ito para sa time first o senyales na paghinto munang saglit sa ginagawa. At kapag nakainom na ng ice tubig, refreshed at energized na ulit at game na sa anumang laro.

Sinariwa ito ng mga bata noon sa Facebook group na We are 90’s kung saan maraming netizens ang nakaranas na uminom ng ice tubig bilang pahinga sa laro. Sabi nila, ito raw ang ‘Gatorade’ nila para mas lumakas sa habulan.

Larawan mula sa We Are 90’s Facebook page

Sabi naman ng ilan, ang alaala nila sa ice tubig ay nakatuon sa mga panahong hindi pa nila kayang bumili ng ref. Para daw malamig ang iinumin nila, bibili lang sila ng yelo o ‘di kaya naman ay ice tubig para instant malamig na tubig na.

Ngayon daw ay may nagtitinda pa rin ng ice tubig ngunit mas mahal na. Hindi na rin gaanong nabibili ito ng mga bata dahil bibihira na rin umano ang mga batang naglalaro sa lansangan dahil nakatuon na sa gadgets.

Loading…