Sinasabing pinagmulan ng COVID-19 na Wuhan, China, balik-eskwela na ang mga mag-aaral

  • Balik-eskwela na ang mga mag-aaral sa Wuhan, China matapos ang ilang buwan ng lockdown
  • Protektado pa rin ang mga mag-aaral ng ilang gears na suot nila tulad ng face mask at face shield
  • Pinag-aaralan na ring buksan pa ang iba pang mga pampublikong lugar sa nasabing lalawigan

Pinag-aaralan ngayon ng pamahalaan at mga eksperto kung kailan dapat ibalik ang pasukan sa bansa dahil sa banta ng C0VID-19. Nagpahayag na ang Department of Education (DepEd) na sa Agosto nila balak isagawa ang pasukan ngunit hindi pa sigurado kung online schooling lamang o pahihintulutan nang pumasok sa eskwela ang mga bata.

Habang hindi pa sigurado ang lagay ng edukasyon sa bansa ngayong school year, sa Wuhan, China naman na sinasabing nagmula ang C0VID-19, balik-eskwela na ang mga mag-aaral habang mahigpit na ipinatutupad ang ilang panuntunan upang maprotektahan ang sarili sa pandemic.

Larawan mula sa Facebook post ni Sofia Semeen

Makikita sa ibinahaging larawan ni Sofia Semeen sa Facebook group na General Knowledge Endless ang larawan ng mga mag-aaral sa ilang paaralan sa Wuhan. Nagbalik man sa paaralan ang mga bata, kapansin-pansing mas protektado sila at mas mayroong distansya sa mga katabing kapuwa mag-aaral.

Sa unang larawan ay makikitang mayroon pang harang ang bawat desk ng mga bata. Nakasuot din sila ng face mask maging ang kanilang mga guro. Kapansin-pansin din na marami na ring bata ang pumapasok at puno na ang mga classroom.

Sa ikalawang larawan naman, mas matatanda ang mga mag-aaral kumpara sa mga bata sa unang larawan. Ngunit mas mahigpit ang seguridad sa paaralang iyon dahil maliban sa face mask, mayroon ding face shield na suot ang mga bata.

Dumagsa ang reactions at shares ng nasabing post ni Sofia. Habang isinusulat ang balitang ito, mayroon nang higit 2,400 reactions na karamihan ay ‘likes’ at 3,400 shares. Kanya-kanya naman ng opinyon ang mga magulang tungkol dito.

Larawan mula sa Facebook post ni Sofia Semeen

Ayon sa ilan, masyado pa raw maaga upang ibalik sa paaralan ang mga bata. Bagaman bumaba na ang kaso ng C0VID-19 sa Wuhan, mas mabuti pa rin umano ang mag-ingat at baka lumaganap na naman ang virus. Mas mainam daw na ipagpaliban muna ang klase at ibalik kung talagang kontrolado na ang sitwasyon.

Matapos ang 76 na araw ng lockdown, binabalik na talaga ng Wuhan sa normal ang kanilang operasyon. Maliban sa mga paaralan, nagbubukas na rin ang mga palengke, coffee shops, at maging ang ilang zoo ay pinag-iisipan na ring buksang muli.

Source :

Facebook, CNN

Loading…