Single father na Grab Food rider, nagpasalamat sa libreng manok mula sa customer

Imahe mula sa Facebook | Cha Calubaquib
  • Ibinahagi ng isang netizen ang nakaantig na tagpo sa pagitan nila ng food delivery rider na iniorder niya rin ng isang buong manok
  • Napag-alaman niyang isa pala itong single father kaya malaking bagay sa kanilang mag-aama ang libreng ulam na kanilang pinagsaluhan
  • Nagpasalamat din ang uploader dahil naging daan siya upang makatulong sa nangangailangan

Isa ang mga food delivery riders sa mga itinuturing na frontliners ngayong may COVID-19 pandemic dahil patuloy nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kabila ng banta sa kanilang kalusugan.

Imahe mula sa Facebook | Cha Calubaquib

Ito ang dahilan kung bakit nang maisipan ng guro na si Cha Calubaquib na magpadeliver ng pagkain ay hindi siya nakalimot na bumili rin ng para sa rider.

“Today…I have decided to have food delivered for the second time this quarantine. Hindi ko kasi kaya yung hiya ko na magpapadeliver ako when all these frontliners are also risking their lives just to deliver food. So, naisip ko, kung magpapadeliver ako, gusto ko mapapakain ko din yung magdedeliver the same ng oorder ko,” kuwento niya.

Napagdesisyunan niyang magpadeliver ng apat na buong manok — isa para sa kaniya, isa para sa rider, at ang dalawa ay para sa mga frontliner na kasama niya sa building.

Ang simpleng kabutihan na ito, malaking bagay pala para sa rider na isang single father sa kaniyang dalawang anak.

Imahe mula sa Facebook | Cha Calubaquib

“Pagdating ni Kuya Andrew, sabi ko ‘Boss, kain na rin po kayo ah.’ Sabi ni Kuya A, ‘Sakto nga po, Ma’am kasi gutom na ako…May ide-deliver pa po ako tapos uuwi na po ako. May ulam na po kami,'” kuwento ni Cha.

Makalipas ang ilang oras ay nagsend ang rider ng larawan nilang mag-aama habang pinagsasaluhan ang manok na ibinigay ni Cha.

Kalakip nito ang mensahe ng pasasalamat. “Good pm, Ma’am. Ako po yung kaninang Grab rider. Salamat po uli sa ibinigay ninyo… Single parent po kasi ako kaya malaking tulong po talaga. Maraming maraming salamat po,” sabi nito.

Hindi naman naikubli ni Cha ang emosyon nang mapagtanto kung gaano kahalaga sa mag-anak ang naging simpleng tulong niya. “Lord, salamat po. Salamat po for making me Your instrument today to help somebody in need.”

Source :

Facebook

Loading…