Status check: Paano mo masasabing nasa “middle class” ka na?

  • Inilahad ng isang Facebook page kung paano nga ba masasabi ng isang tao na siya ay nasa middle class
  • Ang middle class ay may tatlong antas: lower middle, middle middle, at upper middle
  • Nagbigay naman ang mga netizens ng kanilang sariling pamantayan ng pagiging panggitnang uri

Sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine, hindi lamang problemang pangkalusugan ang sumulpot kundi nagsanga–sanga na ito sa iba’t ibang isyung panlipunang magmula noon hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba. Isa na riyan ang kahirapan. Nabuksan din ang usapin hinggil sa pagkakaroon ng “social classes”, lalo na sa pagitan ng “poorest of the poor” at “middle class”.

Paano mo nga ba masasabi o maikaklasipika ang iyong sarili bilang “middle class”? Sinagot iyan sa “lay man’s term” ng Facebook page na “Work is Life PH”. Marami kasing nalilito kung ano–ano raw ang mga katangian at nagagawa ng isang taong nasa klasipikasyon nito. Ang estado ng pagiging nasa panggitnang uri ay nahahati pa sa tatlong antas: lower middle, middle middle, at upper middle.

Imahe mula sa Facebook page na Work is Life PH

“Sabi noong nag-comment sa group, kapag daw hinahati mo sa apat iyong kojic at may kahati ka sa Netflix lol! Pero paano nga ba malalaman kung kabilang ka sa middle class?” panimula ng naturang post. Binigyang–kahulugan nito ang tatlong antas ng pagiging middle class sa pamamagitan ng paglalarawan sa income o kita sa bawat buwan.

Nasa antas ng “lower middle class” ang isang tao kung ang per capita income nito ay “between twice the poverty line and four times the poverty line”.  May inaasahan itong kita na 15,780 piso hanggang 31,560 piso kada buwan.

Masasabi namang nasa “middle middle class naman ang isang tao kung ang per capita income nito ay “between four times the poverty line and ten times the poverty line.” Ang natatanggap nitong kita ay nasa pagitan ng 31,560 piso thanggang 78,900 kada buwan.

Panghuli, ang tao ay nasa “upper middle class” kapag may per capita income ito na “between ten times the poverty line and fifteen times the poverty line”. Nasa pagitan ng 78,900 hanggang 118,350 sa bawat buwan ang suweldong naiuuwi niya sa pamilya.

Public Domain Image

Nagbigay naman ng pansariling pamantayan ng pagiging middle class ang ibang netizens.

“Middle class ka kapag nakapagpa–rebond ka na kahit wala pang 13th month pay, hahaha” pabirong sabi ng isa.

Sabi naman ng isa, “Middle class ka na kung mayroon kayong nilutong spaghetti o pancit kahit wala naman may birthday. O kaya, kapag hindi mo na idinidikit ang paubos nang sabon sa bagong bukas na sabon, hahaha.”

“Kapag 4p’s ka pero hindi mo nagastos yung ayuda mo, itinatabi mo lang… hahaha,” hirit naman ng isa.

Ikaw, nasa middle class ka na ba? Kung oo, nasa aling antas ka?

Loading…