Sundalo, may nakakikilig na surpresa sa nobyang kapwa frontliner para sa kanilang anibersaryo

Imahe mula sa Facebook | Buenavista MPS
  • Kinakiligan ang surpresang inihanda ng isang frontliner para kay Mary Grace Malongayon, isang pulis na nagbabantay sa isang checkpoint sa Buenavista, Agusan Del Norte
  • Ito ay upang maipagdiwang nila ang kanilang anibersaryo kahit na magkalayo sila dahil nakadestino ngayon si Reynard Baynos sa Palawan
  • Nakatakda na sanang magpakasal ang dalawa sa Hunyo 29 ngunit ipinagpaliban nila ito bilang pag-iingat sa COVID-19 pandemic

Sandaling naibsan ang pagod ni patrolwoman Mary Grace Malongayon ng Buenavista P0lice Station sa Agusan Del Norte nang makatanggap ng surpresa mula sa kasintahang kapwa frontliner— isang sundalong nakadestino naman sa Palawan.

Imahe mula sa Facebook | Buenavista MPS

Ibinahagi ng Buenavista P0lice sa kanilang Facebook page ang nakakikilig na eksena kung saan inabutan ng cake, bulaklak, at mga lobo ng isang grupong kinontrata ng kaniyang fiancé na si Reynard Baynos si Malongayon na nagbabantay sa isang checkpoint.

“Give us a break, COVID-19. Allow this Buenavista PNP frontliner to be loved and remembered by her fiancé and co-frontliner on their anniversary,” anila sa kanilang post.

May dala rin silang speaker kung saan pinatutugtog ang kantang “Ikaw” ni Yeng Constantino. “Gagawin ko ang lahat mapasaya ka lang. Alam mo kung gaano kita kamahal,” saad sa bahagi ng sulat ni Baynos na binasa ng isa sa mga naghatid ng sorpresa kay Malongayon.

Imahe mula sa Facebook | Buenavista MPS

Sa isang panayam sa ABS-CBN News, sinabi ni Malongayon na nagulat siya na nakagawa pa rin ng paraan si Baynos upang surpresahin siya kahit pa magkalayo sila at may umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon pa sa ABS-CBN, nagdiwang sila ng kanilang unang anibersaryo at nakatakda sanang magpakasal sa Hunyo 29 matapos na ma-engage nitong Enero ngayong taon. Ngunit dahil sa kinahaharap na COVID-19 pandemic ay nagdesisyon ang dalawa na ipagpaliban na muna ang kanilang pag-iisang dibdib.

Samantala, si Baynos naman ay nagpasalamat sa kaniyang mapapangasawa.

“Kahit malayo tayo sa isa’t isa nandito lang ako para sa iyo. Salamat dahil lagi kang nariyan para sa akin. Magtiwala lang tayo sa isa’t isa at malalagpasan din natin ang mga problema na ‘to,” sabi ni Baynos.

Loading…