Swak sa panlasa at bulsa: Mini hotcakes na ibinebenta sa kalye, miss na ng mga netizens

  • Nagbalik-tanaw ang mga batang 90s sa isa sa kanilang paboritong meryenda, ang piso pancake o hotcake
  • Madalas daw nila itong kainin kapag breaktime sa school o ‘di kaya naman ay meryenda
  • Maraming alaalang bitbit ang mga batang 90s sa pagbili at pagkain ng murang hotcake

Patok na patok sa mga Pinoy ang street food dahil bukod sa abot-kaya ang mga ito ay masarap pa. Kaya naman sa bawat kanto sa Pilipinas, pang-masa man ang establisimyento o pang-sosyal, siguradong dinudumog ang mga cart at food stalls na nagtitinda ng street food.

At sa mga batang 90s, isang uri ng street food ang swak na sa cravings nila, at murang-mura pang nabibili.

Sa isang post sa Facebook group na We are 90’s, sinariwa ng mga netizens ang street food at isa sa mga paboritong almusal at meryenda ng masa, ang mumurahing bersiyon ng pancakes, ang Pinoy hotcakes.

Larawan mula sa Facebook post ni Eyy Dhamz

Ibinahagi ni Eyy Dhamz sa post niya sa group ang larawan ng isang food cart na madalas makita sa labas ng mga paaralan at kanto noon kung saan hinuhulma ang maliliit na dilaw na hotcakes. Kumpara sa mga sosyal na bersiyon nito na may flavored syrup, ang hotcake sa kanto ay pinapahiran lamang ng asukal at mantikilya upang ma-achieve ang matamis nitong lasa.

Ipinagmalaki ng batang 90s na suki ng hotcakes na ito na nakararaos daw sila noong estudyante pa dahil sa pagkaing ito. Mabigat na kasi sa tiyan, mabibili mo pa ng piso isa. Kaya naman dagsa raw madalas ang mga estudyante noon sa mga nagtitinda ng hotcake para kumasya ang baong tinitipid ng ilan.

Ito rin ang paboritong meryenda ng mga bata noon. Pagsariwa ng ilan, may mas malalaking bersiyon daw nito na limang piso naman ang benta. Mas solb daw ang malalakas kumain sa ganitong size ng hotcake. Pinaparesan daw nila ito ng soft drinks, pineapple juice, o ‘di kaya naman ay samalamig lalo na kung summer.

Masaya ring inalala ng ilan ang kanilang oras ng meryenda tuwing kakain ng hotcake. Matapos daw kasi nilang kumain na magkakaibigan, oras na para maglaro ng mga usong laruan noon tulad ng teks, trumpo, o ang mga larong kalye tulad ng habulan at luksong baka.

Larawan mula sa YouTube

Para naman sa ilang netizens na nakakita ng post, ang larawan ay nagbalik ng alaala sa kanilang suking tindero at tindera noong sila ay bata pa. Mayroon pa ngang netizen na hindi malimot ang kabutihang loob ng isang lalaking tindero sa eskwela nila na nanlilibre pa raw sa mga estudyanteng walang baon noon.

“Hotcake ni manong Junet noong elementary… Minsan namimigay pa iyon sa mga estudyanteng walang baon…” sabi ng isang nagkomento.

Loading…