‘Take what you need, leave what you can:’ Residente sa Cavite, ibinahagi ang konsepto ng ‘The Giving Table’

Imahe mula sa Facebook | Alyanna Marie Nuestro
  • Sinimulan ng ilang residente sa Alfonso, Cavite ang ‘The Sharing Table’
  • Dito maaaring kumuha ang mga nangangailangan at hinihikayat naman na magbigay ang mga may kakayanan
  • Naglalaman ang kanilang mesa ng mga pangunahing pangangailangan kagaya ng pagkain

Ibinahagi ng isang residente ng Brgy. Sulsugin sa Alfonso, Cavite ang naisip na paraan upang makatulong sa mga gipit na ka-barangay dahil sa umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.

Imahe mula sa Facebook | Alyanna Marie Nuestro

Paliwanag ni Alyanna Marie Nuestro, ang konsepto ng “The Sharing Table” ay “Take what you need, leave what you can,” kung saan maaaring kumuha ang mga nangangailangan at puwede namang mag-iwan ang mga nais tumulong.

“Ang layunin po nito ay makapamahagi ng pantawid sa ating mga ka-barangay na higit na nangangailangan,” aniya. “Mula sa pangalan na ‘The Sharing Table,’ ito ay mesa na bukas para sa lahat. Naglalaman ito ng basic commodities at daily essentials, tulad ng pagkain.”

Paalala niya rin sa mga nagnanais na makakuha ng tulong, kunin lamang ang sapat para sa kanilang pamilya nang sa gayon ay may matira pa para sa ibang mga nagugutom.

Samantala, ang mga nagnanais namang tumulong ay maaari ring maglapag sa mesa.

Imahe mula sa Facebook | Alyanna Marie Nuestro

“[Puwede ninyong iwan] kung ano man ang inyong makakayanan o labis sa inyong tahanan para patuloy tayong makapamahagi sa mga higit na nangangailangan at maipagpatuloy pa ang ating layunin ng pagmamalasakitan,” ani Alyanna. “Sa panahon ng krisis, tayo ay dapat magmalasakit.”

Sinigurado rin niya na kung mayroong mga nais magpadala ng pera ay mapupunta ito sa mga produkto na ihahain sa mesa.

Paalala rin nila, huwag kalimutang dalhin ang quarantine pass, magsuot ng mask, at sundin ang social distancing.

Nitong Linggo ay ibinahagi ni Alyanna ang laman ng kanilang “The Sharing Table” na araw-araw ay nadadagdagan ng laman.

Ilan sa mga inihain nila ay lugaw, sopas, lumpiang shanghai, pandesal, gulay, buko, itlog, at tinapay. May mga nagpadala rin ng cash donation. “Yay. Parami nang parami ang laman ng ating mesa. Maraming salamat po sa suporta at malasakit.”

Loading…