“That’s” star na si Manilyn Reynes, ibinida ang kanyang koleksiyon ng mga nauso noong song hits

  • Ipinakita ni Manilyn Reynes ang kanyang koleksiyon ng mga lumang song hits
  • Ayon sa kanya, dito raw nahasa ang husay niya sa pagtugtog ng gitara
  • Maraming netizens naman ang naka-relate sa kanya at nagkolekta rin ng song hits

Noong panahong hindi para sa lahat ng access sa internet, kanya-kanyang diskarte ang mga Pilipino noon para makapagsaliksik ng mga gusto nilang malaman. Karaniwang mga aklat ang unang sanggunian noon para sa mga takdang-aralin at iba pang bagay na may kinalaman sa pag-aaral.

Mga libro at magasin din ang takbuhan ng mga Pilipino na nais noong maglibang. Nariyan ang mga komiks na lalong nakaaaliw at nakaaantig ang laman. Pero para sa mga mahilig sa musika, siguradong ang naging paborito nilang bilhin noon ay ang song hits.

Larawan mula sa Instagram account ni Manilyn Reynes

Isa sa mga nahumaling sa song hits ay ang aktres at singer mula sa That’s Entertainment na si Manilyn Reynes. Sumikat si Manilyn noon dahil maliban sa pagiging mahusay na aktres, isa rin siya sa pinakamalupit sa kantahan sa kanyang henerasyon. At ang sekreto ng tinaguriang “Star of the New Decade,” ang kanyang mga song hits.

Ibinida ni Manilyn sa kanyang post sa Instagram ang kanyang koleksiyon ng song hits na biro niya ay mula pa raw sa baul. Sa pamamagitan daw ng song hits ay natuto siyang maggitara. Maliban kasi sa liriko ng mga awit, mayroon ding guitar chords ang mga song hits.

Isang malaking thr0wback daw para kay Manilyn na muling gamitin ang kanyang mga lumang song hits dahil hindi raw tulad ng touch screen devices ngayon, mas masarap daw na ilipat-lipat ang mga pahina nito at iba pa rin ang amoy ng imprenta nito.

Larawan mula sa FB page na Batang Pinoy – Noon at Ngayon

“Naalala n’yo ba ang mga ‘to? Dito kami natutong maggitara. We flipped and turned pages. We didn’t slide, pinch, and double tap. Iba pa rin ang amoy ng tinta at papel, hihi,” sabi ni Manilyn sa kanyang post.

Maraming netizens naman ang naka-relate kay Manilyn. Tulad ng kanilang idolo, naging hobby rin nila noon ang pagkolekta ng mga song hits. Iyong iba nga lang daw, nawala na dahil sa mga hindi inaasahang nangyari tulad ng baha at bagy0.

Loading…