Tom Rodriguez, iguguhit ang mga magdo-donate para sa mga driver, tindero, at construction workers na walang trabaho ngayon

  • Kabilang ang Kapuso actor na si Tom Rodriguez sa proyektong Guhit Pantawid
  • Sa bawat donasyong gagawin ay iguguhit ni Tom at isa pang kilalang artist ang ipadadala nilang portrait
  • Ang bawat donasyon ay mapupunta sa mga driver, construction workers, at nagtitindang walang trabaho ngayong ECQ

Patuloy ang pagdagsa ng tulong mula sa mga celebrities ngayong maraming kababayan natin ang kailangan ng ayuda. Isa sa mga naglunsad ng kanyang sariling proyekto ay ang aktor, singer, at graphic artist na si Tom Rodriguez.

Sa pamamagitan ng isang Instagram post, inanunsiyo ni Tom ang kanyang proyektong Guhit Pantawid kung saan bilang kapalit ng mga donasyon ay iguguhit niya ang mga nagbigay para sa piling foundation na sinusuportahan niya.

Larawan mula sa Instagram post ni Tom Rodriguez

Kinakailangan lamang mag-donate ng hindi bababa sa P500 ang sinumang nais makakuha ng portrait mula kay Tom. Kailangan lamang i-upload ng mga nag-donate ang kanilang donation slip at ang larawang paggagayahan ni Tom ng kanyang magiging drawing.

Maaari daw mag-donate sa mga Facebook groups na Supertsuper, Pasokmgasuki, at Tulong sa Construction workers na nagbibigay ng ayuda sa mga manggagawang apektado ng enhanced community quarantine ang kabuhayan.

“Donate a minimum of P500 to drivers, vendors, and construction workers for a portrait by Tom Rodriguez of GMA 7,” sabi ng official poster ng Guhit Pantawid kung saan nagbigay ng sample si Tom at iginuhit ang kanyang nobyang si Carla Abellana.

Maliban kay Tom, kasama niya rin sa batch 2 ng Guhit Pantawid project ang artist ng Fluffi Comics na si Gab Garcia. Pahayag pa ni Tom sa kanyang post, agad raw na didiretso ang tulong sa mga drivers, vendors, at construction workers.

Tatanggap daw sila ng portrait request mula sa mga nag-donate hanggang sa April 17 lamang. Sa isang portrait daw ay maximum lang ng dalawang mukha na ipipinta, kabilang ang larawan ng hayop kung kasama ito sa reference.

Larawan mula sa Instagram post ni Tom Rodriguez

Maliban sa pagiging isang mahusay na aktor, isang visual artist talaga si Tom bago pa man sumabak sa showbiz. Isang graphic designer si Tom na ipinagpapatuloy niya kapag may libreng oras mula sa abalang schedule bilang isang Kapuso leading man.

Unang nakilala si Tom sa reality show na Pinoy Big Brother Double Up kung saan kasama niya sina Melai Cantiveros, Sam Pinto, at Jason Francisco. Lumipat si Tom sa GMA noong 2013 at mas nakilala sa LGBT serye na My Husband’s L0ver.

Loading…