Total lockdown sa Sampaloc: Walang makalalabas ng bahay, pangangailangan ng mga residente ibibigay ng city government

  • 48-hour total lockdown, ipatutupad sa Sampaloc, Maynila
  • Ang distrito ng Sampaloc ang may pinakamaraming COVID-19 cases sa buong Maynila
  • Sa ilalim ng total lockdown, sarado ang lahat ng mga palengke at iba pang establisimyento maliban sa ospital, botika at punerarya

Kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno ang ipatutupad na total lockdown sa Sampaloc dahil sa mataas na bilang ng COVID-19 cases sa distrito at mga paglabag sa mga patakaran ng enhanced community quarantine (ECQ) at curfew.

Imahe mula sa Manila PIO

Isinaalang-alang din na ang Sampaloc ay katabi lang ng Quezon City na may pinakamaraming COVID-19 cases sa buong bansa.

Mayroong 95 COVID-19 cases at 145 suspected cases sa Sampaloc. Ito ang distritong may pinamakataas na bilang sa buong Lungsod ng Maynila.

Hindi pa inaanunsyo ng city government kung kailan ipatutupad ang 48-hour total lockdown, subalit nagkaroon na ng pagpupulong ang kapulisan at mga opisyal ng 192 barangays ng lungsod.

Ayon kay Sampaloc Station Commander P/Lieutenant Colonel John Guiagui, sa ilalim ng total lockdown, ang lahat ng quarantine pass ay kakanselahin at ang mga residente ay bawal lumabas ng bahay sa loob ng 48 oras, maliban sa ilang exemptions.

Ang papayagan lang makalabas ng bahay ay ang mga medical personnel, mga tauhan ng funeral service, emergency responders, mga security services personnel at mga empleyado ng mga botika at parmasya.

Isasara ang lahat ng mga palengke, supermarkets, at ang iba pang establishments maliban sa mga hospital, botika at punerarya.

Screenshot mula sa GMA video

At kung sakaling may dagliang pangangailangan ang residente na kakailanganing lumabas ng bahay, sinabi ni P/Lt. Col. Guiagui na one text or call away lang sila at ihahatid ang anumang bagay na kailangan nito.

“Ang lockdown is basically nasa loob lang sila ng bahay. All those that are needed will be provided by the government. There will be an ample time for the residents to be ready. Sa ngayon lang is nako-condition na sila na magkakaroon ng lockdown,” ayon kay Guiagui.

Handa at payag naman ang mga residente sa ipatutupad na 48-hour total lockdown. Habang nasa total lockdown ang distrito ay magsasagawa roon ng massive testing para sa mga suspected cases ng COVID-19.

Loading…