Transparency: Relief goods sa Sta. Rosa, Laguna, mayroong breakdown ng presyo ang bawat pagkaing ipinamigay

  • Hinahangaan ng marami ngayon ang transparency ng isang barangay captain
  • Inilagay niya kasi ang breakdown ng halaga ng bawat pagkaing ipinamahagi nila sa kanilang nasasakupan
  • Marami ang pumuri sa ginawang ito ng kapitan dahil mas madali raw malaman ng taumbayan kung saan napunta ang pondo ng barangay

Kontrobersyal ngayon ang mga alkalde at iba pang lider ng iba’t ibang lalawigan, lungsod, bayan, at barangay na tila hindi nagbibigay ng sapat na ayuda sa mga kababayan nila kahit ipinag-utos na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pamamahagi ng pagkain sa kanilang mga nasasakupan.

Lalong nakapagpapataas ng kilay ng marami kung kilalang mayamang lungsod o lalawigan ang lugar ngunit wala man lang maayos na proyekto ang lokal na pamahalaan upang makapamahagi ng tulong sa mga kababayan nilang nangangailangan.

Larawan mula sa Facebook post ni Jet G Nera

Pero sa kabila ng maraming panawagan sa social media nang maayos na pamumuno, mayroon din namang mga lider na patuloy na nagpapahanga sa kanilang mga nasasakupan. Kabilang dito ang isang barangay captain mula sa Sta. Rosa, Laguna na mabuting ehemplo ngayon ng tinatawag na transparency.

In-upload ng netizen na si Jet G Nera sa kanyang Facebook account ang larawan ng ipinamahaging relief goods ng kanilang kapitan na si Aldrin Lumague na talaga namang nagpabilib sa marami. Maliban kasi sa maraming pagkain na ibinigay, may breakdown din ng kanilang ipinamahagi.

Maayos na nakatala sa isang printed na papel ang lahat ng pagkain, kung gaano ito karami, kung magkano ang presyo ng bawat isa, at ang kabuuang halaga ng natanggap nilang ayuda mula sa pamunuan ng barangay.

Sa larawang in-upload, makikita na nakatanggap ang bawat pamilya ng dalawang kilong bigas, apat na lata ng sardinas, apat na piraso ng noodles, 10 piraso ng biskwit. Nakasama rin sa breakdown ang pondo para sa eco bag. Nagkakahalaga ng P246.50 ang kabuuang halaga ng mga pagkaing nakuha ng mga taga-Barangay Tagapo sa Sta. Rosa.

Larawan mula sa PNA

Dahil sa pagpapakita ng transparency ng barangay chairman, agad na nag-viral ang larawang ito na kuha ni Jet. Sa kasalukuyan, mayroon nang 7,500 reactions, 78 comments, at 12,000 shares. Humanga ang mga netizens dahil mas madali raw malalaman ng mga mamamayan kung saan napunta ang pondo ng kanilang barangay.

Mas madali nga namang ma-compute ang kabuuang gastos ng buong barangay kung maayos na nakalatag para sa mga mamamayan ang pinatunguhan ng kanilang pondo. Hamon ng mga netizens, sana raw ay tularan ito ng mga ibang LGUs.

Loading…