Ulam na, dessert pa: Nag-uulam ka rin ba ng mangga sa kanin?

  • Ibinida ng isang netizen ang kanyang kakaibang ulam sa kanin na Indian mango
  • Marami namang netizens ang naka-relate dito at natakam sa simple pero masarap na ulam
  • Bagay daw itong ulamin ngayong ECQ lalo na’t mahirap mag-isip ng ilulutong pagkain

Ngayong sarado ang mga kainan at iba pang food establishments dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ), kanya-kanya na munang diskarte ang maraming Pilipino sa lulutuing ulam. May ilang kahit hindi naman gamay ang pagluluto ay napipilitang maghanda ng kakainin dahil wala naman silang choice.

Pero may mga kababayan tayo na walang problema sa uulamin; marunong mang magluto o hindi. Ang ilan kasi, solb na ang oras ng kain basta mayroong kanin at instant ulam na hindi natin aakalaing swak palang ulam.

Larawan mula sa Facebook post ni Dijay Lopez

Ganito ang ibinahaging larawan ng netizen na si Dijay Lopez tungkol sa kanyang simple pero nakatatakam na ulam. Ipinakita niya sa kanyang Facebook post ang larawan ng ulam niya sa kanin na Indian mango na tumakam sa maraming social media users.

Pagmamalaki ni Dijay, habang litong-lito ang marami ngayon sa uulamin, wala raw siyang pr0blema dahil sarap na sarap daw siya sa ulam niyang mangga. Isang buong mangga ang binalatan ni Dijay para sa kanyang pagkain at kasama rin sa plato ang buto ng mangga.

“Hahahaha. Bahala kayo basta ako nasasarapan ako iulam iyong mangga sa kanin,” pahayag ni Dijay sa kanyang viral post. Habang isinusulat ang istoryang ito, wala pang isang araw na naka-upload ang larawan ng kakaibang ulam ni Dijay. Ngunit umani na ito 6,000 reactions, 760 comments, at 23,000 shares.

Ang totoo pala, hindi lang si Dijay ang sarap na sarap sa combo ng kanin at mangga. Maraming netizens ang naka-relate dahil paborito rin nila itong iulam. Kanya-kanyang tag ang mga netizens sa kakilala nilang ganito rin ang trip na ipares sa kanilang kanin.

Larawan mula sa PNA

Ayon sa mga netizens, naaalala raw nila ang kanilang mga nanay, tatay, lolo, at lola na kilala nilang mahilig mag-ulam ng ganito. Ang iba naman, sinasabing ito ang takbuhan nila kapag hindi nila gusto ang ulam na niluto ng kanilang nanay.

Sabi naman ng ilan, perfect din daw ipares ang mangga sa inihaw na talong at gawing salad. Iniuulam din daw ng iba ang ilang prutas bukod sa mangga tulad ng saging, guyabano, singkamas, at maging santol.

Loading…