“Utak” ng sindikato na nanlimas ng milyun-milyong pera sa mga bank accounts, teenager na IT student

  • Isang teenager ang mastermind ng grupo ng hackers na bumibiktima sa mga bank depositors
  • Ang suspek ay isang 19-year-old 2nd year IT student
  • Ang suspek ay hindi ordinaryong hacker kundi developer ng tools na ginaggamit sa mga cybercrimes

Timbog ang isang 2nd year Information Technology (IT) student na pinaniniwalaang “utak” ng sindikatong nanlimas ng milyun-milyong pera mula sa iba’t ibang bank accounts na kanilang na-hack.

Screenshot mula sa GMA video

Kinilala ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek bilang si Justin Claveria, 19 anyos, na mastermind ng grupo ng mga hackers na nagawang makuha ang mga sensitibong bank information at personal details ng mga biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga kawani ng bangko o iba pang institusyon.

Inamin ni Claveria na dalawang taon na niyang ginagawa ang online panloloko. Aniya, ang mga perang nakulimbat niya ay ipinambili niya ng kotse at ari-arian sa Batangas.

Ayon kay NBI Cybercrime Division Chief na si Atty. Vic Lorenzo, ang suspek ay hindi lang ordinaryong scammer o hacker. Siya mismo ang developer ng mga online tools na ginagamit ng mga cybercriminals.

“‘Di lang siya scammer, developer siya ng mga certain tools na ginagamit ng mga cybercriminals para manakaw ‘yong mga account information natin,” sabi ni Atty. Vic Lorenzo.

Screenshot mula sa GMA video

“Medyo top level siya dahil ‘yong technical skills niya hindi at par ‘yan sa common cybercriminals natin. Siya ‘yong gumagawa ng makina para makapagnakaw ng mga account information at mai-share ‘yan doon sa mga cybercriminals,” sabi pa ni Lorenzo.

Nakita ng NBI sa nakumpiskang cellphone ni Claveria ang mga spam messages na ipinadadala niya sa mga biktima. Ang mga naturang mensahe ay katulad umano ng nasa website ng mga bangko.

Screenshot mula sa GMA video

“Out of curiosity po at pangangailangan na rin po kasi po ‘di na ako nakakahingi ng suporta sa magulang ko kaya parang gumawa ako ng way para mapag-aral ‘yong sarili ko,” rason ng suspek kung bakit niya ginawa ang panloloko.

Galit na kinompronta ni NBI Director Eric Distor si Claveria. Aniya, dapat itong mabulok sa bilangguan.

Nangako rin ang NBI chief na hahanapin ang iba pang miyembro ng grupo na hindi pa nahuhuli. Noong Linggo, ika-19 ng Abril, tatlong kasabwat ni Claveria, kabilang ang isang buntis na babae, ang nadakip ng NBI.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…