Video ng lola na nagdasal bago kainin ang ibinigay sa kaniyang pagkain, umantig sa netizens

Imahe mula sa Facebook
  • Naantig ang netizens sa video ng isang matandang babae na nagdasal muna bago kinain ang pagkaing ibinigay sa kaniya
  • Nahanap siya ng isang netizen at naabutan ng mga pangunahing pangangailangan sa tulong na rin ng mga donasyon
  • Sabi ng mga nag-komento sa kaniyang video, napagtanto nila ang kahalagahan ng pasasalamat gaano man kaliit ang biyayang dumating

Marami ang naantig sa video ng isang matandang babae na nanalangin muna bilang pasasalamat bago kainin ang pagkaing ibinigay sa kaniya.

Imahe mula sa Facebook | Eed Jay Balmores

Ibinahagi ni Ray Pacs ang video na ito na nilapatan niya ng worship song na “Still” ng Hillsong. “Na-touch talaga ako sa video na ‘to kaya nilagyan ko ng worship song,” aniya. Hindi raw siya ang orihinal na may-ari ng video. Hindi na available ang sinasabing orihinal na link nito.

Sa tulong ng netizens ay kinilala kalaunan ang babae sa video na si Cresencia Gonzales, 74 anyos, at taga Solano, Nueva Vizcaya.

Marami ang humanga kay Lola Cresencia dahil marunong itong magpasalamat sa biyayang ipinagkaloob sa kaniya.

“Sometimes, those who are with so little are the most grateful. This is a reminder that it doesn’t matter whether your blessing is big or small, a blessing is a blessing! God Bless you more, Nanay,” ani G. Diosay.

Imahe mula sa Facebook | Eed Jay Balmores

Samantala, natunton ng netizen na si Eed Jay Balmores si Lola Cresencia. Aniya, nakatira ito sa isang maliit na bahay kasama ang dalawa pang matanda, ang isa ay 84 anyos na at hindi na nakalalakad.

Sa tulong ng iba pang nag-donate ay naabutan niya ito ng mga pangunahing pangangailangan kagaya ng pagkain, hygiene kits, kutson, at gamot sa rayuma. Ang ilang mga ibinigay noon kay Lola Cresencia ay itinulong niya rin sa iba.

“Naipamigay niya pala yung huling dala sa kaniya kaya ko po siya pinayuhan,” kuwento ni Eed, na maririnig sa video na sinasabihan si Lola Cresencia na huwag nang ibigay sa ibang may kakayanan pang maghanapbuhay ang mga itinutulong sa kaniya. Sumagot naman ang matanda na “I’m sorry na lang, sir dahil ako’y naaawa.”

Ani Eed, dahil kay lola ay natutunan niyang magpasalamat gaano man kaliit ang biyayang nagtanggap.

Panoorin dito ang viral video ni Lola Cresencia na may 101k reactions at 81k shares na:

Loading…