Viral video mula India: ‘Parusa’ sa mahuhuling lumalabag sa community quarantine

  • May iisang pakiusap ang mga awtoridad sa mga mamamayan sa iba’t ibang bansa: manatili muna sa loob ng bahay sa panahon ng COVID-19
  • Sa India, isang viral campaign video ang nagpapakita ng kakaibang ‘parusa’ sa mga ayaw sumunod sa kanilang community quarantine
  • Sa panahon ngayon, napakalaki rin ng mga gampanin ng mga kapulisan sa pagtitiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan

Isang video mula India ang nag-viral sa kung ano ang kanilang ‘parusa’ sa mga mamamayan na matitigas ang ulo at ayaw sumunod sa community quarantine.

Sa Facebook video na ipinaskil ni Gorona Murali, makikita ang mga pulis na may mga sinitang Indiano na nakasakay sa motorsiklo. Wala pa ngang suot na helmet ang mga ito.

Imahe mula sa Facebook post ni Gorona Murali

Matapos ang maikling pag-uusap, itinuro sa mga nahuli ang isang ambulansiya at doon sila pinasasakay. Sa loob ng ambulansiya ay may  isang nagpapanggap na pasyenteng may COVID-19.

Nang makita ng mga sinita ang tila may sakit na lalaki ay agad silang pumalag at halos magmakaawa na huwag silang papasukin sa loob ng ambulansiya kasama ang nasabing “pasyente.”

Naghatakan ang mga pulis at ang mga nasita, na pilit pinapapasok sa loob ng ambulansiya.

Nang ganap na maipasok ang tatlong lalaki sa loob ng ambulansiya ay pilit nilang nilalayuan ang “pasyente.” Pilit din silang lumabas sa bintana ng sasakyan.

Bago magwakas ang video, nagsalita ang isang police officer at ipinaliwanag ang ukol sa coronavirus at kung ano ang dapat gawin ng mga mamamayan.

Isa pala iyong kampanya para himukin ang mga mamamayan na huwag nang lumabas ng bahay upang hindi na mahawaan ng COVID-19.

Sa wakas ng video mababasa ang “Please stay at home.”

Imahe mula sa Facebook post ni Gorona Murali

Bukod sa kampanyang ito, may iba pang pakulo ang mga kapulisan ng India kung paano nila mahihikayat ang mga mamamayan na manatili sa kani-kanilang pamamahay at kung paano sila makapagbabahagi ng impormasyon tungkol sa COVID-19; tulad na lamang ng pagsusuot nila ng helmet na mala-COVID-19 ang disenyo.

Ayon sa Worldometer, as of April 25, 2020 ay may 24,530 COVID-19 cases na sa India kung saan 780 ang sinawimpalad. Nasa 5,498 naman ang gumaling.

Maaaring mapanood ang video sa ibaba:

India police punishes lockdown defaulters by placing them in an ambulance with a police officer inside pretending to be a coronavirus patient….

Posted by Gorona Murali on Thursday, April 23, 2020

Loading…