Volunteer driver, pinigil ang pagpatak ng luha sa emosyong naramdaman sa lalaking naisakay

  • Volunteer driver, ikinuwento ang ma-emosyonal na pagtatagpo nila ng lalaking naisakay niya
  • Pagod na sa paglalakad ang lalaki at hinatid niya ito hanggang sa Novaliches
  • Nangilid ang luha ng lalaki nang abutan pa ito ng volunteer driver ng P1,000 para sa mga anak nito
  • Pigil ang sariling luha, nagbiro pa ang driver na tanggapin na ng lalaki ang pera at baka magkaiyakan pa silang dalawa

Isang volunteer driver ng “Oplan Hatid Laban sa Covid” ang nagbahagi ng ma-emosyong pagtatagpo nilang dalawa ng isang lalaki na tinulungan niyang makauwi sa dalawang maliliit nitong anak na naghihintay sa pag-uwi ng ama sa gitna ng ipinatutupad na lockdown sa Luzon.

Imahe mula sa Facebook page ng Oplan Hatid laban sa COVID

Kuwento ni Jom Indanan, volunteer driver na naghahatid-sundo sa mga frontliners sa pinapasukang ospital, sa pagitan ng paghahatid-sundo niya ay namataan niya ang lalaki sa Mindanao Avenue malapit sa Trinoma shopping mall sa Quezon City na halos hilahin na lang ang mga paa sa paglalakad dahil  sa pagod.

Aniya, may ilang minuto pa bago ang susunod niyang pag-pick up ng frontliners kaya nag-menor siya at tinanong ang lalaki kung saan patungo.

Novaliches ang sagot ng lalaki. Pinasakay niya ito at sinabing ihahatid sa pinakamalapit sa destinasyon na maaaring marating ng natitira niyang oras bago siya muling pumik-ap ng frontliners.

Napag-alaman ni Jom na isang elevator maintenance worker sa Okada ang lalaki na naipit ng lockdown sa kanyang inuupahan sa Coastal Road.

Walang trabaho dahil sa lockdown at paubos na ang pera, nagdesisyon ang lalaki na umuwi sa Novaliches (ang asawa niya ay sa Butuan inabot ng lockdown). Noong nagdaang gabi ay nakausap ng lalaki ang dalawang anak na edad 12 at 10 sa pamamagitan ng video call. Pinauuwi siya ng mga anak na umiiyak.

Imahe mula sa Pixabay

Dala ang lumang backback at P200  sa bulsa, nagpasya ang lalaki na maglakad pauwi noong gabing iyon. Nakarating siya sa Megamall sa EDSA dakong hatinggabi at doon nakaidlip dahil sa pagod. Makalipas ang kalahating oras ay naglakad ulit ito at masuwerteng naka-angkas sa isang hospital van hanggang Quezon Avenue.

Dakong alas-sais ng umaga noong ika-4 ng Abril nang magkatagpo ang kanilang landas malapit sa Trinoma at isinakay na nga niya ito.

Sabi ng lalaki, puwede siyang ibaba kahit saan na lang dahil malayo pa ang lugar nila – lampas pa ng bayan ng Novaliches. Ngunit hindi maatim ni Jom na gawin iyon kaya hinatid niya ang lalaki hanggang sa kanilang barangay sa kabila ng pagtanggi nito.

Public domain image

“Paano po ‘yan, wala na kayong trabaho?” tanong niya sa lalaki.

“May calamity fund daw po, pero ewan ko kung paano kukunin; pagkakasyahin ko na lang po muna itong pera ko sa aming mag-anak,” anang lalaki.

Hindi na raw niya tinanong kung paano magkakasya ang pera nito. Hanggang saan lang ba aabot ang P200?

Nagpababa raw ang lalaki sa Puregold sa Susano Road na malapit na lang sa bahay nila para makabili ng kaunting maiuuwi sa dalawang anak.

“Magkano po,” mahinang tanong nito na sinagot niya ng “Naku, wala pong bayad.” Inabutan pa niya ng P1,000 ang lalaki na nabigla sa kanyang ginawa.

Imahe mula sa Puregold

Nakita umano ni Jom sa mga mata nito ang pangingilid ng luha kaya kahit may tila nakabara sa kanyang lalamunan ay nakuha pa niyang magbiro at sinabing “sir, baka magkaiyakan pa tayo. Para sa mga anak n’yo ‘yan.”

Pagbaba ng lalaki matapos magpasalamat ay dali-daling nag-u-turn si Jom at kumaway na lang sa lalaki na sa tingin niya ay parang matutumba dahil sa pagod o sa emosyong nadarama nito sa mga oras na iyon.

Diniinan ni Jom ang silinyador at hindi na nilingon pa ang lalaki; marahil ay upang ‘di na pumatak ang luhang pinipigilan.

“Wala akong tissue sa kotse, e.” sabi ni Jom.

Ayon sa ABS-CBN, si Jom Indanan ay nagta-trabaho bilang sub-editor at designer ng The Straits Times ng Singapore.

Source :

Facebook, ABS-CBN

Loading…