“Walang ganun mare”: Guro na si Richo Bautista, inilahad ang inspirasyon sa kanyang ‘kapitbahay serye’

  • Trending ngayon sa socila media ang pauso ni Teacher Richo Bautista na kapitbahay serye sa TikTok
  • Marami ang naaaliw sa makatotohanan ngunit nakatatawang eksena sa kanyang mga video
  • Ipinaliwanag naman ni Teacher Richo sa isang talk show ang inspirasyon sa kanyang trending videos

Dahil marami sa atin ang nasa bahay lang ngayong umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ), iba-iba ang ating diskarte para aliwin ang sarili at gugulin ang sobrang oras. Isa sa mga naging takbuhan ng mga nabuburyo na ay ang mobile application na TikTok.

Hindi lamang mga millennial sang kumasa sa hamon ng trending application na ito. Maging ang mga akala natin na hindi sasabak dito ay gumagawa na ngayon ng pangalan sa nasabing app at kinagigiliwan na ng napakaraming manonood.

Larawan mula sa TikTok video ni Richo Bautista

Isa sa mga ito ay ang guro na si Richo Bautista. Trending sa social media ang video niya sa TikTok kung saan gumawa siya ng tatlong mga tauhan na nagpapakita ng realidad ng mga magkakapitbahay. Tinawag niya ang kanyang serye ng mga video bilang ‘kapitbahay serye.’

Kinatutuwaan ang mga video niya dahil totoong nangyayari ang alitan ng mga magkakapitbahay dahil sa mga mabababaw na dahilan. Ginawa ni Teacher Richo na komedya ang mga kaganapang ito at maraming netizens naman ang naka-relate sa mga eksena nina Aling Nena, Feliza, at ang bidang nanay na wala raw pangalan.

Dahil sa kasikatang tinatamasa, nag-guest na si Teacher Richo sa Kapamilya talk show na Magandang Buhay. Online man ginawa ang panayam, ay naaliw pa rin ang mga host na sina Jolina Magdangal, Melai Cantiveros, at Karla Estrada sa trending na si Teacher Richo.

Naisipan daw nila ng pamangking si Kevin ang konsepto upang maiba naman ang kanilang ia-upload na video sa TikTok. Ginamit daw nila ang mga karanasan mismo sa mga kapitbahay upang makagawa ng nakaaaliw na video at hindi nga sila nagkamali dahil trending na ito ngayon.

“Kasi po karamihan sa mga nagti-TikTok, ang gaganda nila… Eh hindi naman po ako maganda, hindi naman po ako cute… Eh yung isang babae nga po sa TikTok, humikab lang one million yung likes. So gusto ko eh medyo unique naman,” sabi ni Teacher Richo.

Larawan mula sa TikTok video ni Richo Bautista

“Eh yung pamangkin kong si Kevin, gumawa siya ng video kung saan eh aakma naman sa tradisyonal na pangyayari sa ating community, yun nga iyong kapitbahay serye,” pagpapatuloy ng guro.

Inaabangan na ngayon ng mga fans ni Teacher Richo ang susunod na bahagi ng mga kwelang eksena sa araw-araw na pamumuhay nina Feliza, Aling Nena, at ang masungit na inang ginagampanan lahat ng trending na guro.

Panoorin ang panayam ni Teacher Richo dito:

Panoorin naman ang isang eksena sa kapitbahay serye:

Kapitbahay serye part 3

Posted by Love Stef on Thursday, April 9, 2020

Source :

YouTube, Facebook

Loading…