‘We owe a lot to our frontliners:’ Bongbong Marcos, ibinahagi ang pakikipaglaban sa COVID-19

Imahe mula sa Instagram | Bongbong Marcos
  • Isa nang COVID-19 survivor si dating senador Bongbong Marcos
  • Sa isang vlog ay nagbigay-pugay siya sa mga healthcare workers na ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kabila ng banta sa kanilang kalusugan
  • Dahil daw sa mga frontliner kaya siya gumaling kaya marapat lamang na sila ay tulungan at hindi lamang palakpakan

Sa isang vlog ay ibinahagi ng dating senador na si Bongbong Marcos na isa na siyang COVID-19 survivor at nalampasan niya raw ang pagsubok na ito sa tulong ng mga healthcare workers na nag-asikaso sa kaniya.

Imahe mula sa Instagram | Bongbong Marcos

Kuwento niya, naniniwala siyang nakuha niya ang virus sa Spain kung saan dumalo siya ng kasal ng kaanak. Nang makauwi ay nais sana niyang magpa-test ngunit marami na raw tao noon sa ospital kaya nagdesisyon siyang umuwi na lang.

Nang magkaroon ng lagnat ay hindi pa siya nag-alala ngunit isang araw raw ay nahirapan siyang huminga. “Gumising ako, hindi ako makahinga. Itinakbo na ko sa emergency room. Nilagyan ako ng oxygen,” aniya.

Unti unti raw ay bumuti ang kaniyang lagay ngunit napansin niyang dumarami na ang mga taong dinadala sa emergency room kaya tinanong niya ang doktor kung maaaring umuwi na lamang siya.

Imahe mula sa Instagram | Bongbong Marcos

“[Sabi ko] kung wala nang iba kayong gagawin sa akin at ‘di naman ako ilalagay sa kwarto, uwi na lang ako. Magdala na lang ako ng oxygen at saka iinumin yung gamot na ibinigay sa akin,” pagbabalik-tanaw niya.

Ngayon ay bumuti na ang lagay ng dating senador at isa na raw siyang survivor. Tiwala rin siya na gumaling siya dahil sa tulong ng mga healthcare workers na nag-asikaso sa kaniya.

“Sa dami ng naranasan ko, aminin ko nagdusa [ako]. I am still one of the lucky ones. Because of the good work ng ating mga doctor, nurses, at medical technologists,” saad niya sa vlog.

Dahil dito, paalala niya na hindi lamang palakpak ang kailangan ng mga frontliners kundi suporta sa kanilang mga pangunahing pangangailangan kagaya ng mga personal protective equipment. “We owe a lot to our frontliners. Kung ano ang sabihin nila na pangangailangan nila, ibigay natin,” aniya.

Loading…