
- Humingi ng tulong si Willie Revillame sa NBI upang hanapin ang nasa likod ng peke niyang account sa Facebook
- Nag-post kasi ito na dapat unang mabigyan ng ayuda ang mga nahinto sa paghahanapbu
hay at hindi ‘yung mga wala naman talagang hanapbuhay - Panawagan niya, sana ay pagmamahal at pagmamalasakit na lang ang pairalin sa panahon ngayon
Pinaiimbestigahan ng host na si Willie Revillame sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nasa likod ng isang pekeng Facebook account na gumagamit sa kaniyang pangalan.

Ikinagalit niya ang kumakalat na post mula sa kaniyang poser na nagsasabing dapat ay unang binibigyan ng ayuda ang mga nahinto sa paghahanapbuhay dahil sa enhanced community quarantine at hindi iyong mga wala naman talagang hanapbuhay.
“Wala po akong kinalaman diyan. Hindi po akin ‘yan. Bakit mo sasabihin na sinabi ko iyan?” ani Willie.
Paliwanag niya pa, kaya patuloy silang umeere ay upang matulungan ang mga mahihirap at walang makain. “Wala ho akong sinabi na unahin natin ‘yung may trabaho. Mas unahin natin ‘yung walang makain dahil yung mga walang makain, ‘yan ang kawawa. Kahit wala pang COVID, gumagawa na tayo ng kabutihan para sa nangangailangan.”

Aniya pa, wala rin siyang Twitter, YouTube, o Instagram account. “Clear ko, hindi ko po account yan. Alam ninyo kung bakit? Hindi ako marunong. Ang cellphone ko, pantawag, pantext lang sa mga staff ko, sa mga mahal ko sa buhay. Yun lang ho,” pag-amin niya.
Babala ni Willie sa mga tao sa likod ng kaniyang pekeng account, “Pinapahanap na po namin ‘yan sa NBI. Ni-report ka na namin. May kakatok sa ‘yo. May posas ka na.”
Dagdag niya pa, sa panahon ngayon ay mas dapat pairalin ang pagmamalasakit. “Sa panahon na ito, gagawa pa kayo ng ganoon. Magdasal ka nga, mag-isip ka nga. Dapat ang panahon na ito, puro pagmamahal, pagmamalasakit sa kapwa.”