Wow mali! Lalaking naglagay ng upuan sa labas ng bahay, ginaya ng mga kapitbahay

  • Mistulang na–”wow mali” ang mga kapitbahay ng isang lalaki
  • Naglabas kasi ang lalaki ng isang upuan sa labas ng kanilang bahay upang magpahangin
  • Saglit na pumasok ang lalaki sa kanilang bahay; paglabas niya, marami na ring upuan sa labas ng kanilang mga kapitbahay dahil inakala nilang may ayuda

Iba iba ang paraan ng lokal na pamahalaan at bawat barangay sa pamamahagi ng mga ayudang relief goods sa kanilang mga nasasakupan. Isa sa mga mabisa at mataling paraan na naisip ng marami ay ang pag–uutos sa bawat pamilya na maglagay na lamang ng bakanteng upuan sa labas ng kanilang bahay. Doon na lamang ilalapag ng mga boluntaryo at kawani ng barangay ang mga relief goods na kanilang idini–deliver.

Kaya naman, kinatuwaan ng mga netizens ang ibinahagi sa Facebook post ng netizen na nagngangalang “Kinshi Morfe” matapos niyang maglagay umano ng upuan sa labas ng kanilang bahay upang maupo at magpahinga. Saglit umano siyang pumasok sa loob ng bahay upang magpalit ng damit. Paglabas niya, natawa siya dahil marami na ring upuan sa labas ng bahay ng kanilang mga kapitbahay.

Imahe mula sa Facebook account ni Kinshi Morfe

“Papahinga sana ako sa labas kaya naglagay ako upuan. Nagpalit lang ako ng damit, paglabas ko may mga upuan na din sila sa labas,” ayon sa kaniyang caption. Inakala umano ng mga kapitbahay na may ayudang paparating mula sa barangay, o lokal na pamahalaan.

Umani naman ito ng nakatutuwang komento mula sa mga netizens.

“Halatang–halatang abangers na rin ang mga magkakapitbahay sa ayudang ipagkakaloob ni Mayor o ni Kapitan hahaha. Parang ganiyan yung kasabihan na may tenga ang lupa, may pakpak ang balita. Mali nga lang,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Naku, huwag judgmental, malay mo magpapahinga rin sila hahahaha, masyado kayang mainit ang panahon ngayon. Pero actually bawal iyan ‘di ba? Dapat nasa loob lang ng bahay, kahit matutusta na kayo sa init.”

“Akala siguro nila may rasyon hahahaha. Na–wow mali sila ro’n kay kuya, hehehe…” pahayag naman ng isa.

Public Domain Image

Sinisikap ng bawat lokal na pamahalaan na maibigay ang mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan upang maiwasan na ang paglabas ng kanilang mga bahay. Ito kasi ang tanging paraan upang hindi na mailipat pa sa ibang host ang virus, at upang matigil na ang pagkalat nito.

Loading…