‘Yayain ninyo sila’: Netizen, may paalala sa mga nagpapadeliver ng pagkain

Imahe mula sa Facebook | Kristine Tricia del Rosario
  • May paalala ang isang netizen sa mga tumatangkilik sa food delivery services ngayong may umiiral na enhanced community quarantine
  • Aniya, alukin din ang mga rider dahil marami sa mga ito ay nagtitiis lamang ng gutom
  • Ang isang rider na inalok niya ng pagkain, nagtanong pa raw kung maaari siyang magpahinga doon sandali

Pinaalalahanan ng isang netizen ang mga kagaya niyang customer ng food delivery services na alukin ang mga rider dahil maaaring gutom na ang mga ito.

Imahe mula sa Facebook | Kristine Tricia del Rosario

Sa kaniyang Facebook post ay ibinahagi ni Kristine Tricia del Rosario ang eksena sa pagitan nila ng isang Lalamove rider.

“‘Pag may nag-deliver sa inyo ng food, yayain ninyo sila. Gutom sila. Nagtitiis lang sila,” aniya. “Si Kuya sabi puwede raw bang magpahinga muna nang kaunti. Oo ba, upo upo ka muna, Kuya. Nakakaiyak yung ‘Ma’am pahinga lang ako saglit dito ah.'”

Dahil sa ginawa ay marami ang humanga kay Kristine. Sa kasalukuyan ay may halos 10k reactions at 6.5k shares na ito.

Kuwento ni Vanna H., ginagawa rin nila ito para sa mga rider. “True. Pagod din sila kaya pinapasilong din namin tapos offer ng food at saka tubig. Kung ayaw kainin kasi nahihiya, binabalot ko na lang,” aniya.

Imahe mula sa Facebook | Kristine Tricia del Rosario

Sang-ayon dito si May S. na lagi ring nag-o-offer ng malamig na tubig para sa mga pagod na rider. “Always, sis! Offer din ng malamig na tubig at laging may ‘thank you’ at ‘ingat po.’ Heroes din sila ng cravings natin.”

Si Irene P. naman, bigas at tip ang ibinibigay sa mga rider. Bakas daw ang tuwa sa mukha ng mga ito lalo na at may umiiral na enhanced community quarantine at marahil ang ilan sa kanila ay nagsa-sideline lamang bilang rider upang patuloy na kumita.

Paalala naman ni Caryl M. sa mga rider, “Puwedeng puwede magpahinga kuya, pero ‘wag na ‘wag kang susukong maghanapbuhay nang marangal para sa pamilya mo.”

Source :

Facebook

Loading…