
- Mayor Isko Moreno, iba pang opisyal ng Maynila ido-donate ang buong suweldo nila ng Abril sa PGH
- Aabot sa P4.7 million ang halaga ng kanilang donasyon
- Ang donasyon ay makatutulong sa pagpapabuti ng health services na ibinibigay ng mga health workers ng PGH
Ibibigay ng mga matataas na opisyal ng Lungsod ng Maynila, sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno, ang buong suweldo nila ngayong buwan ng Abril sa Philippine General Hospital (PGH) upang tulungan ang pagamutan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sa pahayag niya sa social media, sinabi ng alkalde na kabilang sa mga elected officials ng lungsod na magdo-donate ng buong sahod nila ay sina Vice Mayor Honey Lacuna, Majority Floor Leader Joel Chua at ang lahat ng city councilors.
“Ang inyo pong elected officials sa Lungsod ng Maynila – ako po, si Vice Mayor Honey Lacuna, Majority Floor Leader Joel Chua at lahat ng City Councilor – idodonate po namin ang aming buong sahod para sa buwan ng Abril sa Philippine General Hospital,” anang alkalde sa post niya sa Twitter.
Aabot sa P4.7 million ang halaga ng donasyon sa PGH na gagamitin umano sa pagpapabuti pa ng health services ng mga health workers nito ngayong panahon ng health crisis.
“Sa maliit po naming kaparaanan, sana po ay makatulong ito sa pagpapalakas ng kakayanan ng ating nga frontliner sa healthcare sector para labanan ang outbreak ng COVID-19,” aniya.

Kaugnay pa rin ng health crisis, ipinag-utos ni Mayor Isko Moreno ang pansamantalang pagsasara ng Ospital ng Sampaloc na sinimulan noong Sabado, ika-4 ng Abril.
Ayon kay Mayor Isko, limang hospital workers ang nagpositibo sa COVID-19, samantalang 14 na doktor, walong nurse at pitong administrative staff ng nasabing pagamutan ang isasailalim sa isolation.
Habang sarado ay magsasagawa ng masusing disinfection sa buong ospital.
Samantala, ang lahat ng mga pasyente nito ay nailipat na sa ibang mga pagamutan. Ang mga nais namang magpakonsulta ay pinayuhang magtungo sa ibang pagamutan kabilang ang Ospital ng Maynila, Jose Abad Santos General Hospital at sa Ospital ng Tondo.
