255 asymptomatic tricycle drivers sa Mandaluyong, nag-positibo sa rapid test

Imahe mula sa Facebook | Menchie Abalos
  • Nagpositibo sa rapid test ang 255 tricycle drivers sa Mandaluyong
  • Nagsasagawa ang lungsod ng rapid testing bago nila payagang muling makabiyahe ang kanilang mga driver
  • Sumailalim na sa confirmatory PCR test ang mga nag-positibo at naka-isolate na rin habang hinihintay ang resulta nito

Matapos na sumailalim sa rapid testing bilang bahagi ng requirements upang muli silang payagang bumiyahe ay napag-alamang 255 tricycle drivers sa Mandaluyong City ang positibo sa COVID-19.

Imahe mula sa YouTube | GMA News

Ayon kay Mayor Menchie Abalos, lahat ng mga nag-positibong driver ay asymptomatic o hindi nagpapakita o nakararanas ng sintomas ng virus. Sumailalim na rin sila sa confirmatory PCR test at habang hinihintay ang resulta ay naka-isolate na rin sila.

Paliwanag din ni Abalos sa isang panayam sa GMA News, hindi pa nakabibiyahe ang mga driver na ito na mula sa iba’t ibang barangay kaya hindi nila masabi kung saan nila nakuha ang virus.

“Hindi mo ma-trace kung sasabihin mo na nahawa kung kanino kasi nga random yung aming ano eh. Iba’t ibang barangays itong mga drivers na ‘to eh kaya ‘di namin masabi kung nahawa kung kanino,” sabi ni Abalos.

Samantala, kapag naisailaim sa general community quarantine ang lungsod ay kalahati lamang ng 8,000 na mga tricycle drivers ang papayagang mag-operate upang hindi sila dumagsa sa kalsada.

Imahe mula sa Facebook | Menchie Abalos

Ang mga tricycle driver na papayagang bumiyahe ay kailangang sumunod sa mga pamantayang kanilang ipatutupad. Dapat daw ay may plastic sheet na maghihiwalay sa driver at pasahero. Isang pasahero rin lamang ang maaari nilang isakay, maliban na lamang kung sila ay senior, PWD, o pasyenteng nangangailangan ng kasama.

Ipatutupad din nila ang pagsusuot ng face mask at gloves sa mga driver.  Payo niya rin, saktong pamasahe na ang ihanda ng mga pasahero upang hindi na kailanganin pang mag-sukli.

Magkakaroon din ng listahan ng mga pasahero upang maging mas madala ang contact tracing kung kakailanganin.

Sa tala ng Mandaluyong City Public Information Office noong May 27 ay may 662 confirmed na kaso na ang lungsod.

 

Loading…