500 tricycle drivers sa Maynila ipapasok ni Yorme bilang delivery riders ng foodpanda

  • Mabibigyan ng trabaho bilang food delivery riders ang mga tricycle drivers na naapektuhan ng COVID-19 crisis
  • Inilunsad ng Lungsod ng Maynila at foodpanda ang “PandaTODA” bilang tulong sa mga tricycle drivers ng Maynila
  • Tinatayang 500 tricycle drivers ang unang mabibiyayaan ng proyekto

Tinatayang limandaang tricycle drivers na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa umiiral na COVID-19 pandemic ang mabibigyan ng hanapbuhay matapos makipagkasunduan si Manila City Mayor Isko Moreno sa foodpanda; isang online food delivery platform.

Imahe mula sa Manila PIO

Pumirma si Mayor Isko Moreno at ang foodpanda ng isang Memorandum of Agreement (MOA) upang ilunsad ang “PandaTODA” project kung saan ang inisyal na 500 trike drivers ay magiging foodpanda partner riders sa loob  ng dalawang buwan.

Isinalarawan ni Yorme ang proyekto na “hitting two birds with one stone” dahil nabigyan na ng kabuhyan ang mga tricycle drivers ay nahihikayat pa ang mga residente na hindi lumabas ng kanilang mga tahanan dahil ihahatid na lang sa kanilang mga pintuan ang pagkaing in-order.

“This project gives hope to Manilenos by providing them with livelihood, and at the same time, encourages Manileños to stay at home because their food gets delivered to them,” pahayag ni Yorme sa MOA signing.

“Lubos po kaming nagpapasalamat sa mga kumpanya tulad ng foodpanda na patuloy na naghahatid ng serbisyo at tulong sa panahon ng krisis. Tinutulungan nila na magkaroon ng pag-asa ang mga Manileño sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho at maayos na pagkakakitaan. Ang proyektong ito ay hindi lamang upang suportahan ang ating mga komunidad, hangarin din nito na panatilihing buhay ang diwa ng bayanihan,” sambit pa ng alkalde.

Imahe mula sa Manila PIO

Ayon naman sa country manager ng kumpanya na si Daniel Marogy, ang mga partner riders ay nakatakdang isailalim sa training ngayong linggong ito at bibigyan ng pink uniforms at thermo bags.

Loading…