A grandfather’s love: Lolo ginawan ng sariling pool ang mga apo

Imahe mula sa Facebook | Blessie Reyes
  • Napahanga ang netizens sa DIY pool ng isang lolo para sa kaniyang mga apo
  • Sa loob ng anim na araw ay ginawa niyang tila pool sa isang resort ang dati ay kulungan ng mga baboy
  • Ibinahagi ito ng kaniyang anak sa Facebook dahil proud siya sa ginawa ng ama para sa mga apo nito

Labis ang kagalakan ng magpipinsan sa Pampanga matapos silang gawan ng pool ng kanilang lolo mula sa dati ay kulungan ng baboy na matatagpuan sa kanilang likod-bahay.

I-click ang image upang makita ang iba pang larawan

Kuwento ng netizen na si Blessie Mangubat sa Smart Parenting, nais ng kaniyang mga pamangkin na may edad 2,4, at 9 na makiligo sa inflatable pool ng kanilang kapitbahay ngunit nangangamba silang mabutas ng mga ito ang pool dala ng kalikutan.

Dahil dito ay nagdesisyon ang kaniyang amang si Wilfredo Mangubat na gawan na lamang ng pool ang kaniyang mga mahal na apo.

Sa kaniyang Facebook post ay idinokumento ni Blessie ang unti-unting traspormasyon ng kanilang kulungan ng baboy na ngayon ay tila pool na sa isang resort.

Umabot ng tatlong araw bago tuluyang natapos ang flooring at palitada nito. Sa ika-apat na araw ay nagawa ng kaniyang ama ang hagdan na naka-tiles upang may tuntungan ang mga bata. Sa sumunod na araw naman ay naglagay ng lona ang kanilang ama upang magsilbi nilang bubong.

Imahe mula sa Facebook | Blessie Reyes

Sa ika-anim na araw ay pinagtulungan naman nila ang pagpipintura rito. Dito na nila kinompleto ang resort vibes ng kanilang DIY pool.

Matapos ang isang linggo ay nakaligo na rin doon ang mga apo ni lolo. Sa kabuuan ay gumastos sila ng P4,000 .

Nagpasalamat naman si Blessie sa mga netizen na naka-appreciate ng effort ng kaniyang ama. “Nakatataba naman ng pus0. Na-appreciate ninyo yung ginawa ng Tatay ko. ‘Di ko ineexpect na magva-viral pala yung simpleng appreciation post ko para sa ginawang pool ng Tatay ko para sa mga apo niya,” ani Blessie. May hashtag din ito na proud daughter here.

Talaga namang nakaka-proud ang ginawang ito ni Lolo para sa kaniyang mga apo.

Loading…