A Mother’s Day Special: Mabunganga ngunit punong-puno ng pagmamahal, iyan ang ating mga ina

  • Espesyal na pagdiriwang para sa lahat ang Araw ng mga Ina
  • Marami sa atin ang mapalad ngayon dahil 24-oras nating kapiling ang ating mga ina bunsod ng enhanced community quarantine
  • At sa ganitong panahon, posibleng mayroong naririndi sa paraan ng pananalita ng ating mga minamahal na ina

Mabunganga at matalinghaga kung magsalita ang dalawa sa mga karaniwang paglalarawan natin sa ating mga ina. Gayunman, higit na masasalamin sa mga katangiang ito ang labis nilang pagmamahal at pag-aalala sa atin bilang kanilang mga anak.

At sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ), tiyak na dumoble ang intensidad ng mga katangiang ito dahil 24-oras natin silang kasama sa loob ng bahay.

Imahe mula sa Pexels

Isa sa mga napapanahong halimbawa nito ang viral TikTok video ng magkapatid na sina Joeyboy at Baste Orbe mula sa Tondo, Maynila. Sa video kasi, dalawang beses na nagpakita ang kanilang ina na si Nanay Jemelyn na may dala pang mga hanger ng damit.

Nagreklamo ang magkapatid kaya lalong nagalit ang kanilang nanay at sumigaw ng: “Kung ayaw n’yong mabangga kayo, umalis kayong dalawa rito!”

Sa isang panayam sa Kapuso Mo, Jessica Soho, inamin ng magkapatid na scripted lamang ang video na iyon ngunit nakabatay naman sa kanilang pang-araw-aaw na pamumuhay.

“Hindi ba kayo titigil? ‘Pag hindi kayo tumigil, ako ang titigil.” Ito naman umano ang pamosong linya ni Nanay Jemelyn sa mga anak.

Sa totoo lang, marami ang nakaka-relate sa payak na tagpong iyon ng mag-iina. Sinasalamin ni Aling Jemelyn ang mga walang kamatayang linya ng ating mga ina. Gayunman, kahit na tila sirang-plaka na sila sa kanilang mga sinasabi, kailanma’y hindi mawawalan ng bisa ang kanilang mga pananalita.

Sa mga anak, ilang beses n’yo na bang narinig ang pagbilang nila ng isa hanggang tatlo?

Hindi n’yo pa rin ba nauunawaan ang talinghaga ng “Papunta ka pa lang ay pabalik na ako?” O “hihintayin n’yo pa ba ang pagputi ng uwak” bago kayo sumunod sa kanilang mga utos?

Imahe mula sa Pixabay

Sa mga ina, kayo ang aming tanglaw. Malaki ang inyong ambag at impluwensiya sa aming pagkatao.

Sa aming mga puso, araw-araw ang Araw ng mga Ina! Maraming salamat po!

Source :

GMA News

Loading…