ABS–CBN Kapamilya Network, tuluyan nang namaalam sa ere

  • Tuluyan nang namaalam sa ere ang ABS–CBN Kapamilya Network
  • Batay ito sa “cease and desist order”  ng NTC
  • Matatandaang napaso na ang franchise to operate ng network

Sa kabila ng krisis na dulot ng COVID–19, ikinagulat ng lahat ang lumabas na utos mula sa National Telecommunications Commission o NTC na i–shut down ang broadcasting ng ABS–CBN Channel 2 “Kapamilya” Network nitong Mayo 5, 2020, sa pamamagitan ng “cease and desist order” na “immediately executory”.

Alinsunod umano ito sa batas dahil sa pag–expire ng kanilang prangkisa nitong Mayo 4, 2020. Matatandaang naghain ng petisyon si Solicitor General Jose Calida laban sa ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Convergence dahil umano sa iba’t ibang pang–aabuso, at iba’t ibang mga violations na nagawa ng network.

Public Domain Image

Matatandaang humarap din sa Senado ang pamunuan ng network upang ipaliwanag na wala silang nilalabag na batas, at ang layunin ay serbisyo lamang para sa mga Pilipino, na may malawak na espasyo sa iba’t ibang media gaya ng telebisyon, radyo, pinilakang–tabing, at online platforms, sa loob ng halos 65 taon.

“We did not violate the law. This case appears to be an attempt to deprive Filipinos of the services of ABS-CBN,” ayon sa pahayag ng kompanya.

Bukod sa mawawalan ng panoorin ang mga “Certified Kapamilya”, lubos na apektado nito ang mahigit 11,000 nilang mga kawani sa buong Pilipinas. Sa kabila ng pangamba at kawalang katiyakan ng mga nangyayari dahil sa pandemya, mawawalan tuloy sila ng trabaho at kasama pa ito sa mga aalalahanin nila.

Bukod sa flagship nilang Channel 2 na nasa Quezon City, mapipinid ang 42 regional television stations nila sa buong bansa, 10 digital broadcast channels, 18 FM stations at 5 AM stations, kabilang na ang DZMM radio.

Matatandaang nasa kapangyarihan umano ng Kongreso ang pagpapasa ng panibagong prangkisa para sa Kapamilya Network, subalit laging naaantala ang pag–aasikaso para dito, hanggang sa matabunan na nga at maabutan ng lockdown.

Public Domain Image

Ipinagtataka naman ng lahat dahil matatandaang nangako ang NTC na kahit paso na ang prangkisa ng ABS–CBN ay bibigyan ito ng extension at hindi mahihinto sa pagbo–broadcast, hanggang sa mangyari na nga ang kinatatakutan ng mga kawani at avid viewers nito. Panawagan nila, huwag naman daw sanang balewalain ang ambag ng network sa bansa, lalo na sa panahon ngayon.

Bago tuluyang magpaalam, nagbitiw pa ng kanilang mensahe ang ilan sa mga ABS–CBN bosses tulad nina President and CEO Carlo Katigbak at Chairman Mark Lopez. Markado rin ang mga binitiwang salita ng mga batikan at frontliners ng News and Current Affairs at news anchors ng TV Patrol na sina Ted Failon at Kabayang Noli De Castro.

Umaasa naman ang mga kawani at masugid na tagatangkilik ng network na muli itong magbabalik sa ere upang maghatid ng balita, entertainment at serbisyo–publiko para sa mga Pilipino.

Loading…