Ai Ai delas Alas nag-trending matapos sabihing ‘di kagandahan ang palabas ni Lee Min Ho

  • Ai Ai delas Alas, inihayag ang disappoinment sa palabas na The King: Eternal Monarch
  • Nagtataka umano siya kung bakit pumangalawa ito sa trending kahit “waley” ang kuwento
  • Nag-trending ang pangalan ng komedyante makaraang ipagtanggol ng mga tagahanga ni Lee Min Ho ang palabas

Makaraang maglabas ng negatibong reaksyon sa The King: Eternal Monarch na napapanood sa Netflix, nag-trending ang pangalan ng komedyanteng si Ai Ai delas Alas sa Twitter dahil sa rami ng tagahanga ni Lee Min Ho na ipinagtanggol ang palabas na pinagbidahan ng huli.

Image by Ai Ai delas Alas via Instagram

Nasabi kasi ng Comedy Concert Queen na masyado siyang disappointed sa serye at hindi niya maintindihan ang kuwento; nagtataka rin kung bakit pumangalawa ito sa trending kahit “waley” ang kuwento.

Nabanggit ni Ai Ai na mukhang inuna ang kita bago ang kuwento dahil sa napakaraming ipinapasok kagaya ng fastfood chain, kape, energy drink, makeup, lipstick at kung anu-ano pa.

Ayon kay Ai Ai, magaling ang scriptwriter ng palabas na siyang nasa likod ng mga sikat na Korean TV dramas kagaya ng Mr. Sunshine, The Heirs, Guardian at Descendants of The Sun kaya’t napapatanong na lamang siya ng “ANYARE?.”

Dulot nito, umalma ang mga tagahanga ni Min Ho at may mga nagsabing ‘di hamak na mas maganda umano ang “The King” kaysa sa mga naging serye at pelikula ni Ai Ai.

Sabi ng isa, “If you don’t like the story, then stop watching it. Nobody’s forcing you. Gosh, wala pa sa kalingkingan ng The King ang mga pelikula mo.”

Samantala, mayroon namang ipinagtanggol ang komedyante at sinabing nagpapahayag lamang ito ng sariling opinyon at sinegundahan na medyo magulo ang takbo ng kuwento ng serye.

Image by Ai Ai delas Alas via Instagram

“That’s her opinion and I see nothing wrong with that. Masyadong pinapalaki ng KDrama fans ang isyu. Marami kasi ang utak talangka.”

Tumatalakay ang The King sa kuwento ni Lee Gon (Min Ho) na kasalukuyang hari ng Kingdom of Corea.

Image by Lee Min Ho via Instagram

Loading…