Alagang TLC: Tatay, ginawan ng duyan ang panabong na tandang

  • Itinampok ng isang anak na babae sa Cebu City ang kaniyang tatay
  • Ginawan kasi nito ng duyan ang alagang panabong na manok o tandang
  • Epekto umano ito ng pagkainip dahil sa community quarantine

Sinasabing ang mga tatay o padre de pamilya ang itinuturing na mga “haligi ng tahanan” sapagkat sa kultura ng pamilyang Pilipino, sila ang inaasahang nagtataguyod ng kaniyang sambahayan sa papamagitan ng pagtatrabaho upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang mga anak. Minsan, may mga kinahihiligan din sila na hindi raw dapat pinipigilan, tulad na lamang ng pakikipag–inuman, o kaya naman ay pagsasabong.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang ibinahagi sa Facebook post ng isang anak na nagngangalang “Wennalyn Sanchez” mula sa Cebu City, matapos niyang itampok ang kaniyang tatay na gumawa ng duyan para sa kaniyang panabong na tandang, na para bang ito ay alagang sanggol.

Imahe mula sa Facebook account ni Wennalyn Sanchez

Ayon sa caption ng naturang post na nasa wikang Cebuano, iyan daw ang epekto o nagagawa ng mga taong nababagot na sa community quarantine.

“YUNG TATAY KO GINAWAN NG DUYAN ANG MANOK HAHAHAHAHAHAHA MGA BAGAY TALAGA NAGAGAWA NG QUARANTINE,” salin sa wikang Tagalog sa caption ng post ng netizen.

Naghatid naman ito ng good vibes sa mga netizens at marami sa kanila ang naka–miss sa kanilang mga tatay.

Sabi ng isa, “Ang tawag diyan, ‘On the Swing of Love’ hahahaha. Naalala ko tuloy ang tatay ko. Ganiyan din. Maraming mga panabong na nasa likuran ng bahay namin. Kapag nagagalit ang nanay namin, lagi niyang pinagbabantaan ang tatay namin na ititinola niyang lahat ang mga manok na panabong kapag hindi siya tumigil.”

“Ang cute.  Dami kong tawa mga 3 kilo hahahaha. Sabi naman ng lolo kong sabungero, nakakatulong daw iyan para lumakas ang binti ng mga tandang na panabong. May mga sabungero daw kasi na nandadaya. Nilalagyan ng lason ang dulo ng kuko ng paa ng mga tandang, o kaya naman karayom, para tepok kaagad ang kalaban,” turan naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Wennalyn Sanchez

Ang pagsasabong o cockfight at isang uri ng sugal kung saan pinaglalaban ang mga tandang o panabong na manok. Tinatayaan ng mga mananaya o manunugal ang manok na kalahok. Ang gawaing ito ay isa sa mga impluwensiya ng mga Espanyol sa kanilang pananakop sa atin.

Loading…