Alkalde namigay ng P1M halaga ng bigas mula sa sariling bulsa

  • Alkalde ng Norzagaray, Bulacan, namili ng P1-M halaga ng bigas mula sa sariling bulsa
  • Maidaragdag ito sa mga maipamamahagi bilang relief goods
  • Nagpasalamat ang mga residente sa kabutihang loob ng punong bayan

Gaano kalaki ang nagastos ng inyong mga lokal na lider para matulungan ang mga mamamayan habang ipinapatupad ang enhanced community quarantine?

Image by Mayor Alfredo G. Germar via Facebook

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga alkalde para mapanatili ang kaligtasan at sapat na pagkain para sa mga mamamayan partikular sa mga mapanghamong pagkakataon.

Marami sa mga pinuno ang nagsasakripisyo para makatulong, kahit pera galing sa sariling bulsa ay huhugutin para maisakatuparan ito.

Ayon sa Radyo Singko 92.3 News FM, bumili si Mayor Alfredo Germar ng Norzagaray, Bulacan ng P1-milyon halaga ng saku-sakong bigas para sa mga mamamayan.

Mula sa sariling bulsa ng alkalde ang pera na siyang maidaragdag sa mga pagkain na maipamamahagi bilang relief goods.

Sa Facebook page ni Germar, sinabing dumating na nitong Lunes ang mga bigas at nakahanda nang ipamahagi sa mga tao.

Pormal itong tinanggap ng accounting, treasury at social welfare office ng munisipyo.

Naunang naipangako ang mga bigas sa pagpupulong ng alkalde kasama ang mga miyembro ng konseho, mga kapitan, Sangguniang Kabataan chairman at department heads noong Marso.

Umani naman ng papuri ang kabutihang ginawa ng punong bayan. Habang ibinabahagi ito ay nakakuha na ng higit 4,500 reaksyon at nasa 900 pagbabahagi ang update.

Komento ng isang residente ng Norzagaray, “Salamat po Mayor Fred. Stay safe. Salamat sa malasakit at pagmamahal sa mga taga-Norzagaray. God bless you more, Mayor. We love you po.”

Image by Mayor Alfredo G. Germar via Facebook

Dagdag pang komento, “Salamat po Mayor Germar sa bigas na ipinagkaloob ninyo sa aming mamamayan. Pinagpapala ng Panginoon ang mga taong kumakalinga sa kanyang aba na mga anak. God bless you Mayor. Stay safe po.”

Ang Norzagaray ay isang first class municipality sa Bulacan. Bantog ito dahil dito makikita ang Angat Dam na siyang pinanggagalingan ng maraming suplay ng tubig sa NCR.

Kudos po, Mayor!

Image by Mayor Alfredo G. Germar via Facebook

Loading…