Amang gumawa ng DIY pool, nakatanggap ng inflatable pool mula sa netizen

Imahe mula sa Facebook | Michael King de Leon
  • Bumuhos ang tulong para sa isang mag-anak dahil humanga ang mga netizen sa diskarte ng kanilang padre de pamilya
  • Nagbahagi kasi si Michael King de Leon ng ginawa niyang improvised swimming pool para sa kaniyang mga anak
  • Bukod sa bagong inflatable pool ay nakatanggap din siya ng iba pang tulong para sa kaniyang pamilya

Abot abot ang kagalakan ng isang ama nang makatanggap siya ng bagong inflatable swimming pool para sa kaniyang mga anak.

Imahe mula sa Facebook | Michael King de Leon

Unang nagbahagi si Michael King de Leon ng DIY pool na binuo niya para sa kaniyang mga anak. Gawa ito sa katawan ng puno ng saging at trapal. Maraming netizens ang naantig dahil gumawa ng paraan ang ama upang mapasaya ang kaniyang mga anak kaya naman marami ang nag-abot ng tulong sa kaniya.

Isa na rito ang netizen na si John Aguirre na nagpadala ng inflatable pool kay Michael. Mas malaki ito kumpara sa gawa ni Michael kaya naman kasyang kasya silang mag-aama roon.

“Salamat po nang marami sa lahat ng nagmalasakit sa aking mga anak. Malaking bagay at tulong ang lahat ng iyong pinagkaloob ninyo sa kanila. Taos pus0 at wagas ang aming kasiyahan at pagpapasalamat,” aniya.

Bukod sa pool ay nakatanggap din ang kaniyang pamilya ng pera kaya ipinangako niyang mapupunta ang mga ito sa pangangailangan ng kaniyang mga anak.

Imahe mula sa Facebook | Michael King de Leon

“Sa iba po na nagpadala ng pera, ‘wag po kayong mag-alala, vitamins at pagkain nila ang aking uunahin,” aniya. “Nawa’y marami pa po kayong matulungan na nangangailangan. Ipagdarasal po namin kayo palagi.”

Komento naman ng Facebook users, deserve ng pamilya ni Michael ang mga biyayang natatanggap nila.

“Napaka-blessed mo. Mabuti ka kasing ama. Ipagpatuloy mo lang ‘yan para sa pamilya mo at mas maraming blessings ang darating sa iyo,” ani Venus S.

“Iba talaga ang mga Tatay, gagawin nila ang lahat, mapasaya lang ang mga anak. Sana po lahat ng Tatay ay kagaya ninyo. Yung tuwa na naibibigay ninyo sa mga anak ninyo ay hindi mabibili ng pera,” sabi naman ni Hayira I.

Loading…