Amang naglalakad mula Cavite hanggang Makati, hinangaan

Imahe mula sa Facebook | Bernadette Reyes
  • Dahil wala pang masakyan ay napilitan ang isang manggagawa na maglakad mula sa Cavite hanggang sa pinagtatrabahuhang gasoline station sa Makati
  • Aniya, kailangan niyang magsakripisyo upang may pangtustos sa kaniyang pamilya
  • Hiling ng netizens, sana ay alisin na ang provincial rate upang hindi kailanganin pang lumayo ng mga manggagawa sa kanilang tahanan

Bilang bahagi ng umiiral na quarantine ay limitado ang mga pampublikong transportasyon. Pagsubok ito para sa mga ordinaryong mamamayan na walang sariling sasakyan ngunit kailangan nang pumasok sa trabaho.

Imahe mula sa YouTube | GMA News

Isa riyan si Noel Cañas na nakapanayam ng Kapuso reporter na si Bernadette Reyes.

Kuwento ni Bernadette sa isang Facebook post, nakatira sa Dasmariñas, Cavite si Noel ngunit nagtatrabaho ito sa isang gasolinahan sa Makati. Hanggang sa Imus lamang ang nasasakyan ng manggagawa kaya napipilitan siyang maglakad ng 20 kilometro hanggang sa pinagtatrabahuhan.

“Laking pasasalamat niya sa tuwing may mga mabubuting loob na pumapayag na isakay siya para mas mapabilis ang pagpasok sa trabaho,” sabi ni Bernadette.

Ayon kay Noel, sulit ang pagod sa paglalakad para sa kikitaing P537 na gagamitin niya sa mga pangangailangan ng kaniyang mag-ina.

Imahe mula sa Facebook | Bernadette Reyes

Dahil sa pagsisikap na ito ay marami ang humanga sa padre de pamilya.

“Sobrang hirap po ng ginagawa mo pero dahil sa pamilya, lahat tatahakin makapagtrabaho ka lang. Ikaw ang tunay na haligi ng tahanan pero sana may motor ka man lang. God bless you po,” komento ni Linda F.

Dahil dito, hiling ni Jeff na alisin na ang provincial rate nang sa gayon ay hindi na kakailanganin pang lumayo ng mga tao sa kanilang tahanan. “No more provincial rate…buti sana kung ‘yung mga presyo ng grocery items sa provinces ay provincial rate din.”

Ang ilan naman, hiling na sana ay may makapansin sa sakripisyo ni Noel bilang ama at tulungan siyang magkaroon ng bike upang hindi siya gaanong mahirapan sa paglalakad.

Saludo kami sa ’yo, Kuya Noel!

Source :

Facebook, YouTube

Loading…