Ang batas ay batas: New Zealand Prime Minister ‘di pinapasok sa restaurant dahil sa social distancing rule

  • New Zealand Prime Minister hindi pinapasok sa restaurant dahil sa social distancing rule na umiiral sa kanyang bansa
  • Nilimitahan ng mga restaurants ang bilang ng mga customers na tinatanggap upang makasunod sa social distancing rule
  • Nakapasok lang sa restaurant ang New Zealand PM nang may mabakanteng table

Kahit siya pa ang lider ng kanilang bansa, hindi binigyan ng special favor si New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern at mga kasama nang hindi sila papasukin ng isang staff ng restaurant dahil sa umiiral na social distancing rule.

Screenshot mula sa One News video

Naganap ang insidente noong Sabado, ika-16 ng Mayo, nang magpasiyang mag-almusal sina Prime Minister Ardern, fiancé niyang si Clarke Gayford at ilang kaibigan sa Olive, isang restaurant sa Wetlington, ang Kapitolyo ng New Zealand.

Ikalawang araw iyon ng ipinatupad ni PM Ardern na mas maluwag na lockdown rules kung saan pinayagan nang makapagbukas ang mga restaurant at iba pang establisimyento.

Sa kabila ng mas maluwag na lockdown ay mahigpit namang ipinatutupad ang social distancing rule na at least one meter apart sa bawat isa. Nilimitahan ng mga restaurants ang bilang ng  mga customers na tinatanggap upang makasunod sa patakaran.

Ibinahagi sa Twitter ng isang neitizen ang nasaksihang insidente.

“OMG! Jacinda Ardern just tried to come into Olive and was rejected ‘cause it’s full,” tweet ng Twitter user.

Inako naman ni Clarke Gayford ang responsibilidad sa pangyayari.

“I have to take responsibility for this, I didn’t get organized and book anywhere,” sagot ng fiance ni PM Ardern sa tweet ng netizen na si Joey.

Screenshot ng Tweet ni Clarke Grayford

Pinuri din ni Gayford ang staff ng restaurant dahil hinabol sila nito sa kalsada nang may mabakanteng mesa na kasya para grupo nila.

“Was very nice of them to chase us down street when a spot freed up. A+ service,” sabi ni Gayford.

Si Prime Minister Ardern ay pinuri ng maraming bansa dahil sa maagap at mabilis niyang pagpapatupad ng istriktong lockdown at pagsasara ng border noong March. Matagumpay ang ginawa nilang pakikibaka sa COVID-19.

Mayroong 1,498 COVID-19 cases sa New Zealand at 21 dito ang sinawimpalad. Ayon sa mga health authorities, isang bagong COVID-19 case lang ang napaulat sa loob ng nakaraang limang araw.

Screenshot mula sa Time video

Loading…