Ang cute! Bata tumatangging mag-TikTok pero todo hataw nang marinig ang tugtog; nagdala ng good vibes online

  • Trending ang isang batang babae dahil sa nakaaaliw nitong ‘mood swing’ sa paggawa ng TikTok video
  • Ayaw daw kasi ng bata noong una na sumayaw pero nang marinig na ang tugtog, humataw naman ito
  • Mabilis na dumarami ang views ng nakaka-good vibes na video ng bata na instant sikat na rin ngayon

Usong-uso pampalipas oras ng mga Pilipino ngayon ang paggawa ng TikTok videos. Mula bata hanggang matanda, lahat mayroong entry na nagbibigay ng good vibes sa maraming mamamayang bored na rin ngayon sa kanilang mga tahanan. Nagiging claim to fame pa ng ilan ang kanilang TikTok entry.

At ngayon, isang bulilit ang bagong TikTok sensation. Hindi dahil sa kakaibang gimik o kagila-gilalas na talento nito sa pagsayaw kaya siya sikat ngayon. Pero trending ang bata dahil sa kanyang pabago-bagong mood tungkol sa paggawa ng TikTok video.

Larawan mula sa video ni Allyza Joyce Pakingan

In-upload ng netizen na si Allyza Joyce Pakingan ang video ng isang batang babae na noong una ay nakasimangot at ayaw mag-TikTok kahit pinipilit ng mga kasama niya sa bahay. Makailang beses na umiling ang bata dahil tila wala sa mood na gumawa ng video.

Ngunit nang mag-umpisa na ang tugtog ng TikTok video, ang ineng na noon ay pakipot at ayaw pang sumayaw, agad na ikinampay ang kamay at umindak. Napatayo pa ito at itinuloy ang kanyang pagsayaw at hindi mababakas na tinatamad itong mag-TikTok mga ilang segundo lang ang nakararaan.

Dahil dito, good vibes ang dala ng batang si Penelope sa kanyang mga instant fans. Kinabog lang naman niya ang mga sikat na TikTok personalities ngayon sa dami ng views at reactions ng kanyang ‘moody dance cover.’

Nasa labing-pitong oras pa lamang naka-upload ang sayaw ni Penelope habang isinusulat ang istoryang ito. Gayunman, halos 50,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 900 comments, at 40,000 shares na ang nakuha ng video niya. Kasama pa nito ang kalahating milyong views na patuloy pang nadaragdagan.

Larawan mula sa video ni Allyza Joyce Pakingan

Tuwang-tuwa ang mga nakapanood sa bata. Halata naman daw sa paghataw nito na ayaw niya talagang mag-TikTok. Marami na rin ang nag-follow sa kanya sa TikTok account niya mismo upang mapanood pa ang ibang dance cover ng bata.

Patuloy ding ina-update ni Allyza ang mga bagong fans ni Penelope sa kanyang mga bagong videos. Mayroon ngang isang bagong sayaw ang bata na libo-libo na rin ang reactions at views sa ngayon.

Panoorin ang cute na cute na si Penelope:

Loading…