‘Ang Huling El Bimbo: The Hit Musical’, mapapanood online bilang fund raising show sa mga naapektuhan ng ECQ

  • Mapapanood online ang hit musical na hango sa mga klasikong awitin ng Eraserheads
  • Sa loob ng 48 oras, mapapanood sa YouTube at Facebook ang “Ang Huling El Bimbo Musical”
  • Libreng mapapanood ang show ngunit maaaring mag-donate para sa mga benepisyaryo ng ABS-CBN Foundation

Iconic nang maituturing ang bandang Eraserheads. Kahit ilang dekada na nang sumikat ang banda, nananatiling theme song ng marami ang kanilang mga awitin. Kaya naman hindi na rin nakapagtatakang hanggang ngayon ay sinusuportahan ng mga Pilipino ang anumang proyektong may kaugnayan sa banda.

Isa sa mga masasabing pinakamalaking handog sa Eraserheads fans ay ang pagdating noong 2018 ng “Ang Huling El Bimbo: The Hit Musical” na hango sa isa sa pinakasikat na kanta ng banda. Nagkaroon ito ng higit 100 shows sa Resorts World Manila na tumagal hanggang 2019 na talaga namang kinaaliwan ng mga manonood.

Larawan mula sa Facebook page na Full House Theater Company

At ngayong 2020, magbabalik ang ‘Ang Huling El Bimbo Musical’ upang muling pasayahin ang mga fans at makalikom ng tulong para sa mga naapektuhan ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa pandemic na C0VID-19.

Inanunsiyo ng Full House Theater Company at Resorts World Manila ang magiging online run ng ‘Ang Huling El Bimbo’ sa loob ng dalawang araw. Mapapanood sa Facebook at YouTube ang nasabing musical simula Mayo 8, 12:01 AM hanggang May 9 ng 11:59 lamang.

Libreng mapapanood ang nasabing musical ngunit magbubukas din ng ilang donation accounts para sa iipuning pondo para ibahagi sa proyekto ng ABS-CBN Foundation na “Pantawid ng Pag-ibig” na naglalayong makatulong sa mga pamilyang apektado ng ECQ.

“Handog sa inyo ng Resorts World Manila, Full House Theater Company, at ABS-CBN, the hit Original Pilipino Musical will be available online from 12:01 AM, May 8 until 11:59 PM, May 9 only. Isang nakakaindak, nakakaaliw, nakakatindig balahibong palabas gamit ang musika nina Marcus, Raymund, Buddy, at Ely. The show is free, but we ask viewers to show their l0ve by donating to ABS-CBN Foundation’s Pantawid ng Pag-ibig for the benefit of families most affected by the quarantine,” pahayag ng post.

Larawan mula sa Facebook page ng Eraserheads

Umiikot ang kuwento ng musical sa kuwento ng tatlong magkakaibigang nagkahiwa-hiwalay ngunit muling pinagtagpo upang pag-usapan ang kanilang nakaraan. Maraming kilalang pangalan ang bumubuo sa produksiyon tulad nina Direk Floy Quintos, Gino Gonzales, Marlon Rivera, at Dexter Santos.

Maraming fans naman ng musical ang hindi napigilan ang kanilang kaligayahan nang marinig ang balita.

Ayon sa kanila, masaya silang maraming makatutunghay sa magandang istorya ng isa sa pinakasikat na Pinoy musical, at makatutulong pa sa mga kababayan natin.

Loading…