Angel Locsin sa ABS-CBN: Isang karangalan na nakasama ko kayo

Imahe mula sa Instagram | Angel Locsin
  • Ipinakita ng aktres na si Angel Locsin ang kaniyang suporta sa ABS-CBN matapos itong bigyan ng cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC)
  • Ani Angel, sana raw ay pag-isipan kung makatutulong ang desisyong ito lalo na at may kinahaharap na krisis ang bansa dahil sa pandemya
  • Ipinagtanggol niya rin ang network mula sa mga nagsasabing dapat lang na ipasara ito

Nagpaabot ng mensahe ng pagsuporta sa ABS-CBN si Angel Locsin matapos na maglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC), dahilan upang itigil ng network ang kanilang operasyon simula Mayo 5 ng gabi.

Imahe mula sa Instagram | Angel Locsin

“Sa panahon na kailangan ng hanapbuhay ng mga tao, let us be considerate and ask ourselves kung makatutulong ba ang mga desisyon natin sa lalo na sa panahong ito,” ani Angel sa isang Instagram post.

“To ABS-CBN, isang karangalan po na naging bahagi at nakasama ko po kayo. Mahal ko kayo.”

May mensahe rin si Angel sa mga nagsasabing dapat lang na magsara ang ABS-CBN.

“Sa lahat ng nagmamagaling at nagsasabi na ‘buti nga nagsara ang ABS,’ sana masarap ang tulog ninyo ngayong gabi at nakapagbayad na ng bills. Sana rin masarap ang mga napamalengke ninyo na ipakakain sa inyong pamilya. Sana walang magkasakit na kailangan ipagamot at gastusan,” dagdag niya pa.

Imahe mula sa Twitter | Angel Locsin

Sa hiwalay na tweet ay nagpakita rin si Angel ng suporta sa 11,000 empleyadong apektado ng shutdown. “May 5, 2020. Araw na hindi malilimutan. Isang mahigpit na yakap sa mga mahal ko sa ABS-CBN. Mahigit 11,000 ang hindi makatutulog ngayong gabi,” saad niya.

Sa kaniyang opisyal na pahayag ay humingi ng pagdamay si ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak sa mga taga-suporta ng kanilang network.

“Ginawa na po namin ang lahat ng requirement para sa renewal at wala po kaming nilabag na batas…Mga Kapamilya, kung naging mahalaga po sa inyo ang ating ABS-CBN, hinihingi po namin na tayo ay patuloy na magtulungan para mapanatili ang serbisyong naidudulot ng ating estasyon,” aniya.

Loading…